Ipinasang badyet para sa 2025, binatikos ng alyansang TAMA NA
Binatikos ng TAMA NA Alliance Network o Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance ang panukalang badyet para sa 2025 o General Appropriations Bill (GAB) na ipinasa ng Senado noong Nobyembre 26. Sa pagharap sa midya kahapon, Nobyembre 27, ng mga kinatawan ng grupo, ipinaliwanag ng iba’t ibang grupo ang kontra-mamamayang mga probisyon ng panukala, mga probisyon para sa korapsyon at bakit kailangan itong tutulan ng mamamayang Pilipino.
Ang 2025 pambansang badyet, na may kabuuang halagang ₱6.352 trilyon, ay madaliang inilusot sa Senado sa botong 18 pabor, walang tutol, at isang abstention. Ang tanging abstensyon ay galing sa kanyang kagrupo sa minorya na si Sen. Koko Pimentel, na tumutol sa pagsertipika ni Ferdinand Marcos Jr sa badyet bilang “urgent” at pagratsada sa panukala sa Kongreso at Senado.
Nauna itong ipinasa sa Kongreso noong September 25 kung saan tatlong mambabatas lamang, sina Kabataan Party Rep. Raoul Manuel, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, at ACT Teachers Party France Castro, ang nagpahayag ng pagtutol. Nasa pinal na yugto na ito ng pagpipinal ng bicameral committee bago ipasa sa presidente para sa lagda nito.
Nabuo noon ang Tama Na Alliance Network sa gitna ng pagtutol sa pagtatayo ni Marcos ng Maharlika Fund. Nagtagumpay ito noon sa paglaban sa pagtangkang ilagay dito ang pera ng mga manggagawa at kawani sa GSIS at SSS.
“Mahalaga ang pambansang badyet dahil ito ang pinakamabilis at mabisang paraan ng gubyerno para makialam sa ekonomya at kagalingan ng nakararami,” ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon. “Kaya maganda tanungin kung ito ba ay napupunta sa dapat puntahan niya.”
Sa pananaliksik ng Ibon, sinasalamin ng panukalang badyet ang “hindi pantay at regresibong estratehiya ng gubyerno sa kanyang fiscal policy o patakaran sa pampublikong paggastos at pagbubuwis.”
“Kung susumahin, madaling makita sa mga numero na ang badyet ay para sa mga ‘trapo’ (tradisyunal na pulitiko), kroni at kapitalista, hindi ito badyet para sa mamamayan,” ayon kay Africa. Hindi sapat at pakitang-tao lamang ang inilaan dito para sa pangangailangan ng mamamayan, aniya. Malaking bulto o ₱4 trilyon sa badyet na ito galing sa buwis o sa bulsa mahihirap at ordinaryong Pilipino. Dapat lamang na singilin nila ito sa anyo ng mga pampublikong serbisyo.
“Sa kabilang banda, binabawasan ang buwis sa malalaking kumpanya, at sila pa ang tumatamasa ng serbisyo sa anyo ng imprastruktura,” aniya. Ang pondo para sa imprastrukura (₱1.5 trilyon) na pangalawa na may pinakamalaking tipak sa badyet, kasunod ang sa pagbabayad ng utang na ₱2.1 trilyon.
Habang pinalaki ng rehimen ang pondo para sa mga proyektong ang nakikinabang lamang ay malalaking burgesya, pinananatiling maliliit at kinaltasan pa ang pondo sa edukasyon, kalusugan, pabahay, irigasyon at iba pang serbisyong nakatuon sa lokal na agrikultura. Dahil dito, walang pag-asang makalilikha ang ekonomya ng disenteng mga trabaho, na higit na kinakailangan ng mamamayang Pilipino, ayon kay Africa.
Ayon naman ni Teddy Casiño, pinuno ng Bayan at kandidatong senador ng Makabayan, dapat bantayan ang pag-alagwa ng bicameral committee at pigilan itong magsingit ng mga probisyon lampas sa awtoridad nito. Aniya, ang mga aytem na walang kontradiksyon sa bersyon ng Senado at Kongreso, katulad ng pagkaltas ng ₱1.2 bilyong pondo sa badyet para sa upisina ni Bise Presidente Sara Duterte, ay hindi na dapat isalang sa bicam at tangkaing dagdagan. Sang-ayon naman siya sa pagtanggal ng Senado sa ₱39 bilyong pondo para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na itinulak ni House Speaker Martin Romualdez.
“Alam nating gagamitin ‘yan pang-eleksyon ng mga kongresista,” ayon kay Casiño. Sa halip na ibigay sa mga kongresista, dapat ibigay ang ₱39 bilyon sa mga sektor na pinakanangangailangan dito.
Panawagan niya na ibukas ang pag-uusap sa bicameral committee sa publiko para iwasan ang nangyari sa nakaraan kung saan may mga ipinasok ang komite na mga probisyon na wala sa panukala ng alinsman sa Kongreso at Senado. Isa rito ang pagpahintulot sa pagbabalik ng pondo ng Philhealth sa national treasury bilang “unprogrammed funds” na napasakamay sa presidente.
“Kailangang bukas ang proseso para mapigilan natin ang anumang tangka na palobohin muli ang unprogrammed funds (o pondong walang tiyak na pinaglalaanan), magpasok ng anumang insertions para sa mga pork barrel ng mga kongresista at mga senador,” aniya. Nakatakdang simulan ang deliberasyon ng bicam committee sa unang linggo ng Disyembre.
“Talaga pong mali at distorted ang mga prayoridad,” ayon kay Rafael Mariano (Ka Paeng), chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at dating kalihim ng Department of Agrarian Reform. “Kakarampot ang badyet ang inilaan sa sektor ng agrikultura…kahit ang sinasabi na mayroong ₱1 bilyon na para sa irigasyon.”
Paliwanag ni Ka Paeng na karamihan sa mga proyektong irigasyon ay “multisektoral” at “multipurpose” at ang nangungunang layunin ng mga ito ay ang produksyon ng kuryente at hindi irigasyon ng mga sakahan. Panawagan niya ang paglalaan ng subsidyo pamproduksyon sa mga magsasaka nang hanggang ₱25,000, mangingisda na ₱15,000 at manggagawang bukid na ₱10,000.
“Aabot po ito ng ₱252 to ₱253 bilyon,” aniya. Magiging resulta nito ang pagtaas ng bolyum ng ani at pambansang produksyon, kabilang ang palay, na malaking tulak para maabot ng bansa ang sariling kasapatan sa pagkain. Kasabay nito, nanawagan rin siya ng “rice price subsidy” ng ₱500 bilyon para umagapay sa mataas na presyo ng bigas sa merkado. Ang kabuuang ₱850 bilyong subsidyo na ito ay katumbas lamang sa nakalaan na badyet para sa pambayad ng interes ng utang ng bansa.
“Hindi po ito dole-out,” ayon kay Ka Paeng. Ito ay kumpensasyon at indemnipikasyon sa malawakang pagkalugi ng mga magsasaka na dulot ng tagibang na mga kasunduan na nagreresulta sa palagiang depisit sa kalakahan sa agrikultura at sunud-sunod na mga sakunang dala ng pagbabago ng klima.
Ibinahagi ni Paul Lachica ng Kasama sa UP ang pagtutol ng mga estudyante sa ₱10 bilyong kaltas sa badyet ng mga pampublikong unibersidad sa kabila ng kinakaharap na kakulangan ng mga pasilidad ng mga ito.
“Ang di pagbibigay ng sapat na badyet sa ating mga pamantasan ay kriminal na kapabayaan ng gubyerno sa ating mga kabataan…at sa sektor ng edukasyon,” aniya. “Tama lang ang panawagan na panagutin ang mga magnanakaw at mga korap sa gubyerno na dahilan rin ng kakarampot na pondo para sa bayan.”
Samantala, tinutulan ng mga sektor sa Polytechnic University of the Philippines ang pagtanggal ng Department of Budget and Management sa badyet ng pamantasan. Ayon kay Tiffany Brillante ng PUP SKM, ang PUP ang pinakamalaking public university sa bansa sa usapin ng bilang ng mga estudyante. Ang pagkaltas sa badyet nito ay nagresulta sa limitasyon sa pagtanggap ng unibersidad na mga estudyante at kakulangan ng mga espasyo at mga pasilidad para sa kanila.
Binasa ni Prof. Judie Taguiwalo ang pahayag ng Tama Na Network Alliance kaugnay sa pagbabanta at posibleng impeachment ni Vice President Sara Duterte. “Ang mga buladas ni Duterte ay sumasalamin sa madugong rekord ng administrasyon ng kanyang ama na kasalukuyang iniimbestigahan ng International Criminal Court.”
Panawagan ng alyansa sa mga kongresista na timbangin ang posibilidad ng impeachment laban kay Duterte. Anito, ang mga kilos ni Duterte ay mapanganib at nagpapakita ng kawalang kakayahan na gampanan niya ang kanyang mga tungkulin na “may dangal at respeto sa batas.”
“Ang impeachment ay isang mahalagang mekanismo upang ipakita na walang sinuman, gaano man kataas ang posisyon, ang nakaaangat sa batas,” anito.
Sa parehong araw, nakipagkita sina Ka Paeng, Judie Taguiwalo at iba pa sa mga senador para ipaabot ang hiling na buksan ang pagpupulong ng bicameral committee sa midya at i-livestream ito katulad ng mga pagdinig sa parehong Kamara.