Balita

Isang yunit ng BHB-Mindoro, aktibong nakapagtanggol laban sa 203rd IBde

Isang sundalo ng 203rd IBde ang napaslang ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio De Guzman Command) sa aktibong depensa nito laban sa umaatakeng mga sundalo sa Barangay Mangangan II, Baco, Oriental Mindoro. Naganap ang labanan nang alas-5:45 ng umaga noong Agosto 9.

Unang nakapagpaputok ang yunit ng hukbong bayan laban sa umatakeng mga sundalo na bahagi ng mas malaking pwersang nagsasagawa ng masinsin at largadong focused and sustained military operation (FSMO). Sa nagdaang dalawang buwan, walang-patlang ang FSMO sa buong Oriental Mindoro.

“Hindi lamang nailagan ng BHB-Mindoro ang kabi-kabilang FSMO bagkus aktibo itong nakapagdepensa at nakapinsala sa umaatakeng mga pasista,” pahayag ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro.

Dagdag niya, ang naganap na labanan sa bayan ng Baco at sa iba’t ibang panig ng Pilipinas sa nagdaang mga linggo ay muling nagpapasubali sa kasinungalingan ni Ferdinand Marcos Jr at ng kanyang mga upisyal militar na “wala nang grupong gerilya” sa bansa. “Maging sa Mindoro, malayo sa katotohanan ang bukambibig ng 203rd Bde na insurgency-free ang Mindoro,” ayon kay Ka Madaay.

Isa ang bayan ng Baco sa pinakamahihirap na bayan sa buong Oriental Mindoro kung saan laganap ang kakulangan at kawalan ng lupa, kawalan ng hanapbuhay, at labis na kakulangan ng serbisyong panlipunan. Ayon kay Ka Madaay, ang mga ito ay malilinaw na batayan kung bakit buhay at nagpapatuloy ang rebolusyon pangunahin ang armadong pakikibaka sa mga bayang kagaya ng Baco.

Nanawagan si Ka Madaay sa aping mamamayan ng Mindoro na sumampa sa Bagong Hukbong Bayan upang tuloy-tuloy na palakasin ang armadong pwersa ng sambayanan at kamtin ang katarungan, tunay na kalayaan at demokrasya sa ating bayan.

AB: Isang yunit ng BHB-Mindoro, aktibong nakapagtanggol laban sa 203rd IBde