Isang yunit ng BHB-Mindoro, nakasagupa ang 4th IB
Ligtas na nakapagmaniobra ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) matapos makasagupa ang tropa ng 4th IB sa Sityo Pagbok, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Agosto 19. Ayon sa ulat ng BHB-Mindoro, magiting na lumaban ang yunit sa tangkang paglipol ng mga sundalo.
“Magiting na nilabanan ang umatakeng kaaway at organisadong nakaatras ang napalabang yunit ng [hukbong bayan] nang walang anumang pinsala,” pahayag ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro.
Ang labanang ito ay ilang araw lamang makalipas ang magkakasunod na aktibong depensa na inilunsad ng mga yunit ng BHB-Mindoro laban sa umaatakeng tropa ng 203rd IBde sa bayan ng Baco noong Agosto 9 at Agosto 12.
Ayon kay Ka Madaay, patuloy na nabibigo ang 203rd IBde sa imbing layunin nitong pinsalain at durugin ang BHB sa Mindoro. “Pinasusubalian ng mga kumander at mandirigma ng BHB-Mindoro ang lason na propaganda ng kaaway na mahina at nasa bingit na ng pagkalipol ang hukbong bayan,” aniya.
Malinaw na patunay umano ang mga serye ng labanan ngayong Agosto na nananatiling mataas ang kakayahan at kapasyahang lumaban ng mga Pulang kumander at mandirigma ng hukbong bayan sa Mindoro. “Ang pagpupunyagi ng BHB sa Mindoro ay sampal sa mukha ng 203rd IBde at buong AFP,” ayon kay Ka Madaay.
Pahayag ni Ka Madaay, muli na namang mapapawalang-saysay ang pahayag ng kumander ng 2nd ID na si MGen. Ramon Zagala noong Agosto 10 na lulubusin na nito ang kampanyang kontra-insurhensya sa Mindoro, pahaharapin sa isang “mapagpasyang labanan” ang mga yunit ng BHB at titiyakin ang pagkadurog ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa katapusan ng 2025. “Purong kayabangan ang pahayag ni MGen. Zabala,” aniya.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita ng BHB-Mindoro na kahit anong gawin ng rehimeng Marcos at AFP ay hindi kailanman mapapatid ang pag-suporta at pagsampa ng masang api sa hukbong bayan sapagkat alam ng masa ang dahilan ng pagrerebolusyon. “Batid ng masa na ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang Hukbong Bayan ang kanilang pinakamaaasahang sandata laban sa kahirapan at pang-aapi,” dagdag ni Ka Madaay.
Nanawagan siya sa lahat ng pwersa ng rebolusyon sa Mindoro, laluna sa BHB, na maging mas mapangahas, determinado at matalino sa pagbigo sa kaaway sa lahat ng larangan ng labanan at sa pagmumulat at pag-oorganisa sa masa upang pakilusin sila para sa demokratikong rebolusyon ng mamamayan.