Balita

Kababaihang Korean na biktima ng sekwal na pang-aabuso, nagsampa ng kaso laban sa tropang Amerikano

, ,

Noong Setyembre 5, nagsampa ng kaso ang 117 kababaihang Korean na kilala bilang “comfort women ng mga sundalong Amerikano” sa lokal na korte para sa dinanas nilang sekswal na pang-aabuso sa kamay ng tropang Amerikano. Sinasabing ito ang kauna-unahang kaso sa kasaysayan ng bansa na direktang nagpapanagot sa militar ng US sa laganap na prostitusyon na dikit sa mga base militar nito noong dekada 1960 at 1970.

Suportado ang kaso ng maraming organisasyon ng kababaihan at karapatang-tao, kabilang ang Korean Council for Justice and Remembrance for the Issues of Military Sexual Slavery at Nodutdol for Korean Community Development.

Noong dekada 1960 at 1970, libu-libong sundalong Amerikano ang nanirahan sa base militar ng US sa Dongducheon, South Korea pagkatapos ng Korean war. Nagtayo ang estado ng Korea sa paligid ng mga ito ng kulumpon ng lisensyadong mga inuman, bahay-aliwan at tindahan na tinawag na “gijichon” o “military camptown.” Sa mga “camptown” na ito umusbong at pinangasiwaan ng estado ang prostitusyon para sa mga sundalong Amerikano. Tinawag ng gubyernong Korean ang kababaihan doon na “makabayan” at “civilian diplomat” para sa papel nila sa ekonomya at seguridad ng bansa. Ayon sa kababaihang nagsampa ng reklamo, marami sa kanila ang dinukot at ibinenta sa mga bugaw ng “gijichon.” May mga nilinlang at pinangakuan ng ibang trabaho. Para alipinin, ibinaon o itinali sila sa utang sa kanilang mga bugaw.

Sa press conference noong Setyembre 8, tinawag ng kababaihan ang militar ng US bilang “tunay na salarin” sa prostitusyon at iginiit na dapat humingi ito ng dispensa at magbayad ng danyos. Isa sa mga inilarawan nilang pang-aabuso ang pagbartolina sa kababaihang nahawa ng mga sexually transmitted disease at “paggamot” sa kanila gamit ang matataas na dosis ng penicilin na ikinamatay ng ilan. Batid rin ng militar ng US na marami sa kababaihang ibinugaw sa kanilang mga sundalo ay menor de edad.

Anila, matinding diskriminasyon ang nararanasan nila sa lipunang Korean sa kabila ng ibinigay nilang “makabayang serbisyo.” Hindi nila tinamasa ang katulad na simpatya na ibinigay sa mga comfort woman na biktima ng sekswal na pang-aabuso ng mga sundalong Japanese sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Una nang nanalo ang kababaihan sa kanilang kaso laban sa gubyerno ng South Korea noong 2022 para sa papel nito sa pagpalaganap ng prostitusyon sa mga base militar ng US. Ayon sa korte, inengganyo ng estado ng South Korea ang naturang kababaihan na pumasok sa prostitusyon para makalikom ng dolyar sa ang bansa at manatili ang ugnayan nito sa US para sa sarili nitong seguridad. Inutusan ng Korte Suprema ang gubyerno na magbayad ng kumpensasyon sa kababaihan para sa dinanas nilang troma bilang “comfort women” ng mga sundalong Amerikano. Isinampa ang unang kaso noong 2014 ng 122 kababaihan. Nang ilabas ang hatol, 95 na lamang sa kanila ang buhay.

AB: Kababaihang Korean na biktima ng sekwal na pang-aabuso, nagsampa ng kaso laban sa tropang Amerikano