Kabataang manggagawa, bumaklas sa mapang-aliping sistema sa paggawa
Sa simula pa lamang ng taon, iniulat na ang kadusta-dustang kalagayan ng sektor ng paggawa—tumaas ang bilang ng walang trabaho at ang kulang sa trabaho. Isa sa mga nagdurusa rito ang mga kabataan, lalo yaong mga tumutuntong sa hustong gulang para magtrabaho at mga naghahanap ng trabaho matapos gumradweyt.
Limang taon nang nagtatrabaho si Abi, 26, bilang manggagawa. Ngayon, nagtatrabaho siya sa isang pagawaan ng semiconductor sa Calabarzon. Ito na ang pangalawang klase ng kumpanyang pinasukan niya. Una siyang nagtrabaho sa business-process outsourcing. Tumigil siya sa pag-aaral ng kolehiyo kahit nasa ikatlong taon na upang magtrabaho dahil sa hirap ng buhay.
Para kay Abi, isa siya sa maswerteng nakahanap ng trabaho sa gitna ng malawak na kawalan nito. Sa ulat noong Enero, 2.96 milyong Pilipino ang walang trabaho. Nadagdagan pa ito nang 357,000 sa pagitan ng Pebrero at Marso. Subalit hindi nito ginagarantiya ang kaseguruhan ni Abi sa trabaho o na sapat ang nakukuha niyang kita. Sa kumpanyang pinapasukan ni Abi, umaabot muna ang manggagawa ng 10 taon bago maging regular.
Sa Calabarzon, ₱600 na ang pinakamataas na minimum na sahod para sa mga manggagawa. “Hindi ko mawari kung papaano napapagkasya ng isang pamilya ang sahod na natatanggap sa isang buwan dahil kahit ako na sarili lang ang binubuhay ay nakakaramdam ng kahirapan sa pagtataguyod ng sarili at pagtuwang sa magulang,” kwento ni Abi.
Labas pa rito ang pahirap na kalakaran sa pagawaan. Ngayong ipinatupad ni Marcos Jr ang four-day-work week na ipinapanukalang “solusyon” para sa pagtitipid ng langis sa gitna ng krisis, isa sa mga pangunahing apektado ang mga manggagawa. Tuwang-tuwa rito ang mga kapitalista dahil sa tulong ng gubyerno, naipataw nila ang mga kondisyong pumapabor sa kanila, sa kapinsalaan ng mga manggagawa. “Four days na papasok at dalawang araw na pahinga, 12 oras kada araw kasama ang lunch at break, at salitan na day at night shift kada linggo. Sa standard, isang makina lang dapat ang hawak ng isang machine operator sa production, pero dahil sa pagtitipid ng kapitalista ng tao madalas 2-3 ang hawak ng operator,” pagbabahagi ni Abi.
Breadwinner naman si Jino, 25, kahit hindi panganay na anak dahil may mga pamilya na ang sinundan niyang mga ate at kuya. Binubuhay niya ang kanyang tatlong nakababatang kapatid katuwang ang inang gasino ang kinikita sa paglalako ng gulay. Sa hirap ng buhay, hindi na nakatuntong ng kolehiyo si Jino at “pa-ekstra-ekstra” lamang sa maliliit na konstruksyon ng mga bahay at paggawa ng kalsada sa kanilang lugar. Ngayon, magdadalawang taon na siya sa isang kumpanyang contractor ng mga paggawa ng kalsada, flood control projects at quarry sa Cavite, Rizal at Laguna.
“Direkta sa kumpanya ang trabaho ko. Otso oras ang trabaho pero minsan may mga night shift na pareho lang ang rate ng bayad. May service na sinasakyan araw-araw sa umaga pero kapag pauwi na, kanya-kanyang pamasahe na. Tuwing Linggo, wala kaming pasok. Noon, ₱600 ang sahod namin. Ngayon nagtaas ng ₱100 mula nung pumutok yung taas presyo ng langis,” kwento ni Jino.
“Madalas bilad kami sa initan, nakakapagod at hapo lalo ngayong tag-init. Wala kaming benefits. Nung nakaraang pasko, pinangakuan kami ng Christmas bonus at 13th month pay pero lumipas na pati pasko ng pagkabuhay, namatay na lang yung pangarap naming benepisyo. Wala din kaming SSS o insurance. Biro ko nga kapag nagkamali at napitpit ang daliri ko sa pagbubuhat ng hollow blocks, iyak-tawa na lang. Akala ko noon mare-regular ako kapag tapos ng anim na buwan, hanggang ngayon ‘di pa rin kami nagiging regular. Muntik pang magkatanggalan nitong nakaraang buwan kasi nalulugi na daw yung kumpanya. Pero yung boss namin may bagong kotse. Pangamba namin ‘yun na baka isang araw bigla kaming matanggal,” pagbabaybay ni Jino.
May mga panahon ding 3-4 na araw lang ang pasok nina Jino sa isang linggo dahil kada kontrata ang kalakaran ng kanilang trabaho. Kapag natapos na ang isang proyekto, maaaring sa susunod ay hindi na siya kasama dahil magdedepende sa bilang ng construction worker na kailangan sa kada proyekto.
“Kada linggo ang sahod namin. Pero wala pang Linggo, ubos na ang laman ng wallet ko. Pagdating ng Linggo, lagpas kalahati ng sahod ang bayad utang sa tindahan sa amin na inuutangan ni Mama at karinderya na inuutangan ko sa trabaho,” dagdag pa ni Jino.
Kapwa walang unyon sa pinapasukang pagawaan ni Abi at Jino ngunit kumikilos sila upang ipaglaban ang mga karapatan sa paggawa. Ayon kay Abi, “Nauunawaan kong mahalaga ang sama-samang pagkilos para maigiit natin ang ating karapatan. Kasama ang malawakang pag-oorganisa sa kapwa manggagawa para mamulat kung pano sila pinagsasamantalahan.”
Para naman kay Jino, “Hindi nakikinig ang gubyerno sa mga paisa-isang panawagan. Kahit nga marami na ang nananawagan, nagbibingi-bingihan sila. Pero marami nang napatunayan ang sama-samang pagkilos. Sabi sa mga pag-aaral na nadaluhan ko, itong walong oras na tinatamasa na hangganan ng oras ng trabaho sa isang araw ay tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mga manggagawa.”
Ngayong papalala ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino. Silbing tanglaw ang mga rebolusyonaryong organisasyong masang kaalyado ng National Democratic Front of the Philippines. Maaari silang ipaloob sa Revolutionary Council of Trade Unions o iba pang rebolusyonaryong organisasyong masa upang maisulong ang kanilang karapatan. Sa ngayon, si Abi ay nakapaloob sa Kabataang Makabayan at nagpupunyaging pasiglahin ang pagkilos ng mga kabataan sa loob ng pagawaan habang si Jino ay nakapaloob sa rebolusyonaryong organisasyong masa ng kanilang komunidad.
Nag-iwan ng hamon si Jino, “Kahit gaano kahirap ang buhay at hinahatak tayo ng pangangailangan na kumayod para sa pamilya at mga mahal sa buhay, kailangan pa rin natin hamunin ang mga sarili natin na maglaan ng panahon sa pag-oorganisa ng mga kapwa natin manggagawa at kabataan. Hindi magbabago ang kalagayan natin na napakaliit ng sahod at laging kinakapos ang pangangailangan kung mananatili ang mga batas ng gubyerno na maka-kapitalista. Kahit nga may batas, sila pa rin lumalabag. Kaya kailangan magkaisa ang mga mahihirap na tulad natin.
Panawagan naman ni Abi sa kapwa niya kabataang manggagawa, “Imbes na magpailalim sa mapagsamantalang sistema, dapat tayo ay magmulat, mag-organisa at kumilos para ito ay baklasin!”
—unang inilathala sa Kalatas Mayo 2026, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Southern Tagalog