Balita

"Kahandaan" ni Sara Duterte na pumalit kay Marcos bilang pangulo, sinupalpal ng mga grupo

,

Kaagad na sinupalpal ng mga grupong pabor sa pagpapalayas sa poder kay Bise Presidente Sara Duterte ang pahayag niya na “handa” siyang pumalit kay Presidente Ferdinand Marcos Jr kung bababa ito sa pwesto. Ipinahayag ito ni Duterte sa isang interbyu sa midya sa Davao City noong Nobyembre 25.

“Talaga ha! Kapal muks naman,” pahayag ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA). Ayon sa grupo, wala namang pinag-iba si Duterte kay Marcos, na nabubunyag ngayong sangkot rin sa malawakang korapsyon sa gubyerno. “Parehong korap, pahirap sa masa!”

Isa ang TAMA NA sa mga kumilos at sumuporta sa impeachment ng House of Representatives kay Duterte at bumatikos sa pagkansela sa paglilitis sa kanya ng Senado.

Si Duterte ay na-impeach ng House of Representatives noong Pebrero 5 nang pumirma at sumuporta dito ang hindi bababa sa 215 kongresista. Itinuloy ang kasong impeachment kontra kay Duterte matapos ang halos dalawang buwang pagbalam dito ng rehimeng Marcos. Pinangunahan mismo ng anak ng presidente na si Sandro Marcos ang pag-endorso sa reklamo.

May pitong artikulo ang reklamong impeachment. Ilan dito ang korapsyon sa ₱615.5 milyon sa confidential funds; panunuhol at korapsyon sa Department of Education; di maipaliwanag na yaman at kabiguang isiwalat ang kanyang mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth.

Noong Agosto 6, tuluyang pinatay ng Senado ang paglilitis kay Duterte sa mga artikulo ng impeachment. “Inarkibo” ang kaso bilang pagsunod umano sa desisyon na inilabas ng Korte Suprema noong Hulyo 25 na “di konstitusyunal” ang pagka-impeach sa bise presidente.

Kaugnay ng desisyon ng korte, nagsampa ng liham sa Korte Suprema ang iba’t ibang grupo at indibidwal kabilang ang TAMA NA noong Agosto 5 para magsagawa ng oral argument. Layunin nitong makuha ng korte ang mga bagong panig na magbibigay-daan sa pagbaligtad ng desisyon nitong “di konstitusyunal” ang pagkaka-impeach kay Duterte.

Noong Oktubre 17, nakatanggap ang TAMA NA ng resolusyon mula sa Korte Suprema na nagsasabing nakuha nito ang liham. “Sa pinakaminimum, makukumpirma nating tinalakay ng Korte Suprema ang kaugnay na mga kaso nito,” ayon sa TAMA NA. Umaasa ang grupo na maglalabas ng bagong desisyon ang korte kaugnay ng kanilang liham.

Sa harap ng mga teknikal na balakid na ito, ipinahayag ng TAMA NA na hindi pa rin nasasagot ni Duterte ang tanong ng taumbayan kung saan niya dinala ang kinulimbat na kaban ng bayan. “Nasaan na ang ₱625 milyon, sinu sino tagala sina Grace Piattos, Nova, Oishi, et al, paano ipaliwanag ang paglobo ng personal na yaman,” anang grupo. Ito umano ang malinaw na mga batayan kung bakit hindi karapat-dapat na pumalit si Duterte kay Marcos bilang presidente.

Tumugon rin ang grupo ng mga kabataan na LAYAS Duterte Network sa pahayag ni Duterte. “Asyumera, kung may dapat mang kalagyan si Sara Duterte, hindi yun sa Malacañang, kundi sa kulungan. Magsama sila ni Marcos sa kulungan. Parehong kurakot, pahirap, at pasista,” ayon kay Mhing Gomez, lider ng network at tagapangulo ng Anakbayan.

Lalahok ang naturang mga grupo sa protestang Baha sa Luneta 2.0 na pangungunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Ilulunsad ang demonstrasyon sa Luneta Park sa Maynila at magkakaroon ng katulad na mga protesta sa iba pang bahagi ng bansa. Pangunahing ipapanawagan ng grupo: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”

“Mula sa simpleng ‘managot ang kurakot’ hanggang sa malalalim na panawagan para magbitiw sa pwesto sina Bongbong Marcos at Sara Duterte at baguhin ang bulok na sistema ng pamamahala, lahat ng lehitimong sigaw ng bayan ay may puwang at pakikinggan,” pahayag ng KBKK para sa protesta.

AB: "Kahandaan" ni Sara Duterte na pumalit kay Marcos bilang pangulo, sinupalpal ng mga grupo