16 na estudyanteng lumahok sa protestang kontra korapsyon, ginigipit ng Universidad de Manila
Ginigipit ngayon ng administrasyon ng Universidad de Manila (UDM) sa Maynila ang 16 na estudyante na lumahok sa mga protesta kontra korapsyon sa nagdaang mga linggo. Naglabas ng memorandum ang UDM at ipinatawag ang mga estudyante dahil sa sinasabing paglabag nila sa UDM Student Manual.
Base sa memorandum, ipinapatawag ng Office of the Vice President for Student Success and Support Services (OVPSSSS) at Board of Discipline ang mga magulang at ang naturang mga estudyante. Pinuna rin ng UDM ang pagbubuo ng mga estudyante ng isang organisasyon na anito ay walang basbas ng administrasyon.
Kinundena ng Anakbayan-Merlions, balangay ng grupo sa UDM, ang panggigipit at panunupil sa mga estudyante. Tinawag ng grupo ang hakbang ng UDM na maanomalya at lumalabag sa kanilang mga karapatan bilang kabataan at Pilipino na nakasaad sa konstitusyon ng bansa.
“(P)ara bang isang napakalaking banta ang boses ng progresibong estudyante sa mata ng mga namumuno?” pahayag ng grupo. Dagdag nito, binubusalan ng UDM ang mga estudyante sa pangamba na tuluyang mabunyag ang baho at kapalpakan ng administrasyon sa loob ng unibersidad.
Nagpahayag rin ng suporta sa 16 na estudyante ang grupo sa karapatang-tao na Defend Manila. “Demokratiko at batayang karapatan ng bawat Pilipino ang makiisa at magsagawa ng mga pagkilos lalo na kapag ang bansa ay nasa matinding krisis dulot ng lantarang korapsyon,” ayon sa grupo.
Noong Nobyembre 25, nagprotesta ang mga estudyante ng UDM sa harap ng kampus para tuligsain ang memorandum at panunupil ng eskwelahan. Itinaon nila ang pagkilos sa araw na ipinatawag ng administrasyon ang mga magulang at estudyante.
Bilang suporta, dumalo sa pagkilos ang mga estudyante mula sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), sa pangunguna ng Anakbayan-EARIST. “Sa kabila ng anumang intimidasyon, higit na tumibay ang aming paninindigang ang pamantasan ay dapat maging ligtas na espasyo para sa kritikal na pag-iisip—hindi instrumento ng [pagpapatahimik],” pahayag ng Anakbayan-EARIST.
Ayon sa Anakbayan-Merlions, ang kanilang pagkilos ay pagpapakita na hindi natatakot ang mga estudyante ng UDM sa administrasyon at handa silang harapin ang panunupil. Hinikayat ng grupo ang mga kapwa estudyante na patuloy na magsalita laban sa korapsyon ng rehimeng Marcos at dumalo sa isasagawang protestang bayan sa Nobyembre 30.
Lalahok ang grupo sa protestang Baha sa Luneta 2.0 na pangungunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Ilulunsad ang demonstrasyon sa Luneta Park sa Maynila at magkakaroon ng katulad na mga protesta sa iba pang bahagi ng bansa. Pangunahing ipapanawagan ng grupo: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”