Kalahok sa protesta kontra henosidyo ng Israel, inaresto ng mga pulis sa Taguig City

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sinuntok, pinagmumura at arbitraryong inaresto ng mga pulis ng Taguig City si Edison Yu sa embahada ng Israel sa Bonifacio Global City, ilang oras bago mag-umpisa ang rali noong Hunyo 8. Kumukuha siya ng litrato ng mga pulis na nanghaharang at nagbabantay sa mga daanan nang atakehin siya ng mga ito.

Kinundena ng mga grupo ng kabataang sumusuporta sa Palestine ang insidente. Ayon sa Youth for Palestine-Makati, paglabag ito sa kalayaan sa pagpapahayag ni Yu.

“Ang brutalidad na ito ng pulis ng BGC-Taguig City ay nagpapakita ng kanilang pagiging ignorante sa mga trahedyang nangyayari sa Gaza, gayundin ng kanilang pakikipagsabwatan sa pananakop at henosidyo ng US-Israel sa lupain ng mga Palestino,” ayon pa sa grupo.

Anila, sa buong mundo, tinatarget ng mga gubyerno at armadong pwersa nito ang pag-aaklas at protesta ng mga mamamayan laban sa pang-aatake ng Zionistang Israel sa mga Palestino. “Sinasalamin nito ang katangian ng pananakop ng Israel; walang paggalang sa mga ligalidad at karapatang-tao sa harap ng kanilang henosidyo,” dagdag nila.

Sa tala noong Hunyo 7, umabot na sa 36,731 katao ang pinaslang ng Israel. Kabilang dito ang higit 100 mamamahayag, karamihan mga Palestino. Hindi bababa sa 15,500 sa mga biktima ay mga bata. Nasugatan naman sa mga pambobomba at pag-atake ng Israel ang higit 83,500 Palestino. Naitalang nawawala ang 10,000 katao hanggang sa kasalukuyan na posibleng nalibing sa mga gumuhong gusali.

Iginiit ng grupo sa lokal na gubyerno ng Taguig City na kaagad tugunan ang pagpapalaya kay Yu. Dapat din umanong papanagutin ang mga pulis na sangkot sa pambubugbog at iligal na pag-aresto. Nagtungo ang mga grupo ng kabataan ngayong araw, Hunyo 9, sa Taguig City hall para magprotesta pero hinarang sila ng mga pulis.

AB: Kalahok sa protesta kontra henosidyo ng Israel, inaresto ng mga pulis sa Taguig City