Kampo militar ng 85th IB sa Quezon, pinaulanan ng bala ng BHB
Pinaulanan ng bala ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Quezon (Apolonio Mendoza Command) ang isang bagong tayong kampo militar ng 85th IB sa Barangay Cogorin Ibaba, Lopez, Quezon noong Agosto 2. Isinagawa ng yunit ang pag-atake ng alas-7:30 ng gabi. Tumatayong kumander ng batalyon si Lt. Col. Reynir Nirza at nasa ilalim ng kumand ng 2nd ID.
Ikinatuwa ng mamamayan ng Quezon ang pag-atake dahil paraan ito para mapanagot sa kanilang mga krimen berdugong batalyon at mabigyan ng hustisya ang kanilang mga biktimang magsasaka.
Sa araw na iyon, nagkaroon din ng isang engkwentro sa bayan ng Tagkawayan ng alas-10:25 ng umaga. Namartir sa naturang labanan si Sandy Broncano (Ka Tau/Ino).
Sa naturang labanan, gumamit ng labis-labis na lakas ang 201st IBde sa isinagawa nitong aerial bombing at pag-istraping sa kagubatang hangganan ng Tagkawayan, Quezon at Labo, Camarines Norte. Labag ito sa prinsipyo ng proportionality, alinsunod sa internasyunal na makataong batas.
Ayon sa BHB-Quezon, ang mga naturang pangyayari ay nagpapasubali sa ipinagmamalaki ng 201st IBde at mga lokal na pamahalaan na insurgency-free ang Quezon at may status na Stable Internal Peace and Security (SIPS). Pinabubulaanan din nito ang deklarasyon ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang ika-apat na state of the nation address na “wala nang natitirang grupong gerilya.”
“Ang malalim na nakaugat na rebolusyunaryong tradisyon ay hindi mabubunot ng kahit gaano kalupit na operasyong pagsupil ng AFP-PNP. Matibay na naninindigan ang NPA sa Quezon na hindi sila nawala at patuloy na tinatangkilik ng masang magsasaka at katutubo, at ito ang katotohanan maging sa buong rehiyong Timog Katagalugan,” pahayag ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Quezon.
Dagdag pa niya, “Walang kabuluhan ang mga deklarasyong insurgency-free at SIPS…hangga’t nananatiling huwad ang repormang agraryo at ang limpak-limpak na pondo ay inilalaan sa mga operasyong pagsupil, matabang lupa ang kanayunan sa paglago ng gerang magbubukid at patuloy na pagsibol ng pag-aalsa ng maralita sa kanayunan ng buong bansa.”
Samantala, dumadanas ng panggigipit mula sa pulis at militar ang tim ng Tanggol Quezon na nasasagawa ng fact-finding mission kaugnay ng mga pambobomba ng militar sa prubinsya. Layon nilang alamin ang kalagayan ng sibilyang populasyon sa harap ng pinabagsik na operasyong kombat at paghaharing militar ng Armed Forces of the Philippines.