Balita

Kapabayaan ng rehimeng Marcos ngayong El Niño, muling binatikos

,

Muling nagprotesta ang mga grupo ng magsasaka at iba pang sektor sa harap ng Department of Agriculture sa Quezon City noong Mayo 9 para batikusin ang kriminal na kapabayaan ng ahensya at ng rehimeng Marcos na tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka at iba pang mga sektor na apektado ng tagtuyot ngayong panahon ng El Niño.

Sa konserbatibong tala ng rehimen, hindi bababa sa ₱5.9 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura dulot ng tagtuyot. Pinakaapektado ang 276 syudad at bayan na ipinailalim na ng estado sa “state of calamity.” Idineklara na rin ito sa siyam na prubinsya at buong rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

“Inirereklamo ng mga magsasaka at mangingisda ang epekto ng El Niño pero tanging pautang, seguro at kakarampot na tulong pinansyal ang inaalok ni Marcos at ng DA. Giit namin ay kagyat at komprehensibong panandalian at pangmatagalang alibyo at rehabilitasyon mula sa gubyerno,” ayon kay Ka Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng grupo ng kababaihang magsasaka na Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas.

Ayon sa Amihan, alam na ng gubyerno ang posibleng magiging epekto ng El Niño bago pa man ito tumama sa bansa pero hindi ito kaagad naghanda at mabagal ang naging tugon. Ang malala, anang grupo, nagpatupad ang rehimeng Marcos ng mga programa at patakarang higit pang nagpatindi ng epekto ng El Niño sa mga magsasaka, mangingisda at mga sektor sa kanayunan.

Kabilang umano sa mga patakarang ito ang lubhang kakulangan sa pagpapaunlad ng mga sistema ng irigasyon, pagkawasak ng mga watershed at kagubatan, mga sistema ng ilog at patubig, kawalang suporta sa produksyon, at pagtataguyod ng patakaran sa pagpapalit-gamit ng lupa, pagmimina, pagtotroso at iba pang mapangwasak na mga proyekto.

Binatikos din ng Amihan ang dagdag na pagpapahirap sa magsasaka ng palay ng makadayuhang Rice Liberalization Law. Anang grupo, nilugi at nilubog sa utang ng patakarang ito ang mga magsasaka.

Samantala, nanawagan ang Youth Action on El Niño Network sa kapwa kabataan na palakasin ang suporta sa mga magsasaka at mga sektor sa kanayunan na lubhang apektado ng inutil na pagtugon ng rehimeng Marcos sa mga apektado ng tagtuyot. Habang ipinananawagan ang pagsingil sa gubyerno, nangunguna sila ngayon, kasama ang iba pang mga makataong organisasyon, sa pagsasagawa ng mga kampanyang relief at pamamahagi ng donasyon sa mga apektadong magsasaka at sektor.

AB: Kapabayaan ng rehimeng Marcos ngayong El Niño, muling binatikos