Bigas para sa mga magsasaka, hindi sa mga pasista!
Sa harap ng malawakang gutom at kalbaryo ng mga magsasaka at mamalakayang Cagayano sa gitna ng pananalasa ng El Niño, namahagi ang lokal na gubyerno ng Cagayan ng 120 kabang bigas sa mga tropa ng 17th Infantry Battalion. Katumbas ito 6,000 kilong bigas na kung ipinamahagi sana sa mga residente ng Dungeg o Aridowen sa Sta. Teresita na maikalang-ulit na binomba ng AFP, makakatanggap ang lahat ng residente (bata at matanda) ng Aridowen ng limang kilong bigas, o 10 kilong bigas naman sa lahat ng mga taga-Dungeg.
Harap-harapang na ngang tinatalikuran at pinababayaan ng gubyerno ang kapakanan at tungkulin nito sa mamamayan, tigas-mukha pa nitong ipinapangalandakan kung sino ba talaga ang prayoridad ng estado sa ganitong mga panahon. Matatandaang nitong Enero lang din ay nagbigay ang LGU-Cagayan ng halos 300 kabang bigas para sa 17th IB at 95th IB, maging noong huling kwarto ng taon, sa parehong mga panahon kung kailan lubog sa baha ang malawak na palayan at lugmok sa kahirapan ang mga Cagayano.
Habang pinapatay sa gutom at terorismo ang mga magsasaka sa kanayunan, tuluy-tuloy namang binubusog ng estado ang mga pasistang sundalo upang walang-humpay na maghasik ng takot at karahasan. Ang mga myembro ng CAFGU na kinamumuhian ng masa dahil sa mga anti-sosyal na gawi tulad ng pagnanakaw at paglalasing, ang pangunahing makikinabang sa nasabing donasyon. Ani ng lokal na gubyerno, bahagi raw ito ng mandatong wakasan ang insurhensiya sa lalawigan.
Gera kontra-insurhensiya sa gitna ng kalamidad
Sa tabing ng whole-of-nation approach, gera kontra-insurhensiya pa rin ang tugon ng rehimeng US-Marcos sa malawakang pagkasira ng kabuhayan at banta sa seguridad ng pagkain. Itinalaga nitong hepe ng Task Force El Niño si DND Sec. Gilbert Teodoro na wala namang kinalaman sa siyensya o agrikultura. Kaya sa halip na komprehensibo at makabuluhang plano ang ihapag sa pagharap sa kalamidad, walang-puknat na mga operasyong militar pa rin ang pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng gubyerno.
Doble-dagok sa mga Cagayano ang tuluy-tuloy na operasyon ng 5th Infantry Division. Sa kalagitnaan ng pananalasa ng El Niño, hindi pa rin lumalayas sa mga komunidad ang mga militar na naglulunsad ng RCSP. Bagkus, mas umigting pa ang mga operasyong kombat na hindi lamang simpleng abala sa kabuhayan ng mga magsasaka kundi banta sa araw-araw nilang pamumuhay. Ngayong sira ang mga pananim at tigang ang lupa, nasa kagubatan sila para maghanap ng ibang ikabubuhay upang itawid ang pangangailangan sa araw-araw. Dahil sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa, bumabaling ang mga kumakalam ang sikmura sa pagraratan, pagpapakat ng bitag, pag-uuling, pagkakaingin, at pagtotroso bilang alternatibong hanapbuhay. Nanganganib pa itong matigil dahil sa paghalihaw at paggalugad ng kasundaluhan sa mga kagubatan upang “tugisin ang natitirang mga NPA.”
Kriminal na kapabayaan sa gitna ng kalamidad
Walang silbi ang ipinagmamayabang na ₱30 bilyong pondo ng reaksyunaryong gubyerno para sa pagharap sa El Niño dahil limos lang kung tutuusin ang kakarampot na ayuda na dumarating sa mga apektado. Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang ulat ng iba’t ibang ahensya tulad ng DA, DOLE, DSWD at BFAR nang pag-aabot umano nila ng pinansyal at materyal na suporta. Sa katunayan, ang kalakhan sa mga ipinapamahaging ayuda sa mga Cagayano ay ang bininbin nilang pondo para sa mga nasalanta ng bagyong Egay noong Hulyo 2023.
Napakalaking insulto rin sa mga magsasaka ang pinakahuling ulat ng DSWD noong Abril 20 na nagpapakita ng datos ng mga bayan sa prubinsya at sa buong rehiyon na isang napakalaking kalokohan. Halimbawa na lamang ang mga bayan ng Lallo kung saan tatlo katao lang daw ang apektado (isang pamilya) at anim katao (dalawang pamilya) naman sa bayan ng Baggao. Gayundin sa ibang mga prubinsya tulad ng Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino na tinukoy ang ilang bayan na mayroon lamang 24-81 kataong apektado samantalang ang mga lugar na ito ang lubos na apektado na pangunahing nagtatanim ng mais at palay.
Liban sa hindi kapani-paniwalang mga numero, mas nakakagalit na ₱236.66 lamang ang inilalaang badyet ng DSWD para sa bawat indibidwal na apektado! Hirap na hirap na ngang pagkasyahin ng karaniwang manggagawa ang ₱430-450 baryang sahod kada araw, paano na lang ito na di hamak na malayong-malayo sa ₱1,084 family living wage sa rehiyon? Ang laang badyet na ito para sa bawat isang taga-CV ang bumuo sa halos ₱2 milyong kabuuang halagang inilagak ng ahensya sa rehiyon. Hindi malayong parehong halaga lang din ang badyet ng ibang mga ahensya.
Lubhang nahuhuli na rin ang assessment ng DA-Region 2 sa tinamong pinsala sa agrikultura kung saan nasa ₱560.9 milyon pa lamang ang opisyal na naiuulat nito mula Pebrero 7 hanggang Marso, samantalang patapos na ang Abril. Malayong-malayo ito sa aktwal na pinsala lalo na’t ang Cagayan Valley ang pangunahing prodyuser ng mais at pumapangalawa naman sa produksyon ng palay sa buong Pilipinas.
Sa buong bansa, umabot na sa halos ₱4 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikutura at apektado ang 73,713 magsasaka at mangingisda. Saklaw nito ang 66,065 ektaryang palayan, maisan, at high value crops (HVC) o pagkalugi ng 98,243 MT palay, 40,195 MT mais at 24,102 MT HVC.
Interes ng dayuhan sa gitna ng kalamidad
Sa kabila ng malawak na kagutuman at pamumulubi ng mga magsasaka at mangingisda, paulit-ulit na litanya ng dating DA Secretary at kontra-magsasakang rehimen ang “Sapat ang suplay ng bigas. Hindi kailangang mag-alala ng tao. Sa mga erya na may patubig, tumataas ang ani.”
Habang nagtitiis ang mamamayan na maambunan ng limos mula sa gubyerno, bumabaha naman ang pondo para mapakain nang libre ang mahigit 6,500 dayuhang sundalong kalahok sa Balikatan. Habang binubusog ang mga tropa ng AFP, unti-unti namang pinapatay sa gutom ang maga magsasakang dinadahas. Habang kaliwa’t kanan ang mga sunog sa kabahayan at kabundukan, nagsusunog naman ng pera ang rehimeng US-Marcos Jr sa pagbili ng bala, bomba, misayl, kanyon, jet fighter at iba pang kagamitang pandigma. Habang libu-libo ang pinapalayas sa mga tahanan at inaagawan ng lupa, itinatayo naman ang mga kampo at base militar ng US sa iba’t ibang dako ng bansa hanggang sa pinakadulong mga isla sa hilaga. Habang itinataboy ang mga mangingisda, inangkin naman ng pulu-pulutong na mga war ship ang malawak na karagatan. Mas malinaw pa sa sikat ng araw na interes ng dayuhan, at hindi kapakanan ng mamamayang Pilipino ang prayoridad ng rehimeng US-Marcos Jr.
Ang masa at mga kasama sa gitna ng kalamidad
Habang abala ang rehimen at AFP sa pangangayupapa sa imperyalismong US, tuluy-tuloy namang nag-iipon ng lakas ang masa, kasama ang Bagong Hukbong Bayan. Kasing-init ng sikat ng araw ang pagtanggap ng mga masang magsasaka sa BHB. Habang konstruksyon ng pantalan at warehouse ang inaatupag ng US-AFP, matiyaga namang inaayos at pinapaunlad ng mga kasama ang mga irigasyon at patubig, tumulong sa pagpapatanim ng mga alternatibong pananim, nagkakasa ng mga kampanyang masa, at tinutugunan ang mga pangangailangang medikal ng masa, sa abot ng makakaya.
Malayong-malayo ito sa ilusyon ng AFP na madudurog ang BHB sa susunod na mga buwan. Paano mangyayari iyon gayong mahigpit na magkaakbay ang masang magsasaka at mga kasama sa pagtalunton sa landas ng matagalang digmang bayan upang hawanin ang maliwanag, maaliwalas at Pulang bukas.###