Kapabayaang medikal sa mga pasilidad ng ICE, laganap
Sa inilabas na pag-aaral ng National Alliance for Filipino Concerns (NAFCON) hinggil sa karanasan ng mga Pilipinong nadetine sa mga pasilidad ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE), iniulat nito na laganap at sadya ang medikal na kapabayaan sa mga pasilidad nito.
Alinsunod sa ulat, sobrang dami ng nakadetine sa mga pasilidad at halos walang bentilasyon ang mga ito. Madaling kumalat ang mga nakakahawang sakit tulad ng tuberculosis. May naulat na pitong posibleng kaso ng tuberculosis sa Tacoma Detention Center kung saan maraming Pilipinong migrante ang nakadetine.
Ayon din sa ulat, limitado at nahuhuli ang medikal na tulong para sa mga maysakit. Kapag may nagkakasakit, ang pinakamaagang matingnan s sila ng isang nars ay susunod pang araw at mas matagal pa bago ma-tsek ng doktor. Dinadala lamang ang isang pasyente sa ospital kapag napakalubha na ng kanyang sitwasyon.
Maraming ding ulat ng pagbibigay ng pasilidad ng pagkain na hindi katanggap-tanggap at delikado sa kalusugan. Kabilang dito ang mga butong gulay (beans) na may uod, hilaw na manok at karneng baka na dapat initin bago kainin. Matatagal ang pagitan bago sila pakainin.
Ang kahindik-hindik na kalagayan sa pasilidad, pagtrato sa mga nakadetine bilang hayop, pang-aabuso, pagkaing kulang sa nutrisyon, pagpapabaya sa kanilang medikal na pangangailangan, pagkakawalay sa kanilang pamilya at kawalan ng akses para sa pangangalaga sa mental na kalusugan, ay nagdulot ng depresyon, pagkabalisa at troma sa mga nakadetine.
“Ang patuloy na kawalan ng aksyon ng gubyerno ng Pilipinas at ng US ay nagpapakita ng kanilang kawalang pakialam sa kanilang mga mamamayan. Ang mga kondisyon na ito ay malinaw na paglabag sa karapatang tao at panganib sa pampublikong kalusugan,” paliwanag ng NAFCON.
“Dapat kagyat na maglunsad ng regular na pagdalaw ang mga konsulado at embahada ng Pilipinas sa mga pasilidad ng ICE, tiyakin ang pangangalaga para sa medikal at mental na kalusugan ng mga Pilipinong migrante, pagkain at ligtas na inumin, at pinansyal at ligal sa suporta,” dagdag ng grupo.
“Nanawagan kami ng hustisya para sa lahat ng mga nakadetine, para sa kanilang kalusugan, kagalingan at para sa kanilang pamilya at komunidad,” pahayag ng grupo.
Ang pagsisiyasat na ito ay inilunsad ng Filipino Community Health Board, NAFCON, Tanngol Migrante Movement, at mga Pilipino na estudyante at propesyonal sa larangan ng medical and public health.