Balita

Kapitan ng isang barangay sa Davao City, sinuspinde dahil sa paglaban sa demolisyon

,

Mahigpit na kinundena ng Kadamay-Davao ang 30-araw na suspensyon ng upisina ng Ombudsman noong Oktubre 20 sa kapitan ng Barangay Bucana 76-A, Davao City na si Robert Olanolan. Batid ng mga maralita na sinuspinde siya dahil sa kanyang paglaban sa demolisyon ng mga komunidad sa Kabacan at Times Beach mula pa Enero 2024. Samantala, natanggap ni Olanolan ang kopya ng reklamo na grave abuse na isinampa sa kanya ng  D.M. Consunji, Inc. (DMCI) noon lamang Oktubre 31, isang araw matapos ipataw ang suspensyon. Isa ang DMCI sa mga kumpanyang may planong magtayo ng negosyo dito.

Ayon sa Kadamay-Davao, inaangkin ng kumpanyang Ecoland Properties and Development Corporation (EPDC) ang lupa sa naturang lugar, kahit pa may matagal nang may naninirahan sa lugar. May nakatayo na ring maliliit na negosyo dito. Isa sa pinakamalaking kumpanya sa real estate EPDC sa Davao.

Tinatayang aabot sa 10,000 pamilya ang mawawalan ng tirahan at kabuhayan kung matutuloy ang demolisyon. Sa halip na tugunan ang hinaing ng mga residente at ipagtanggol anng kanilang mga karapatan sa Kabacan-Times Beach, nakikipagtulungan pa ang konseho ng syudad sa EPDC para ihanda ang ang relocation site. Tinitingnan nito ngayong ang pagpapalit-gamit ng mga lupaing agrikutlural sa Barangay Manuel Guianga, Tugbok District para rito.

“Ang suspensyon kay Olanolan ay isang manipestasyon ng kontra-mahirap na tindig at pagsusunud-sunuran ng gubyerno ng Pilipinas sa interes ng malalaking negosyo o korporasyon tulad ng DMCI at iba pang entidad,” ayon sa Kadamay-Davao. Nanawagan ito sa mga residente na magkaisa at mag-organisa, at tumindig para sa disentang pabahay at demokratikong mga karapatan sa Davao City.

AB: Kapitan ng isang barangay sa Davao City, sinuspinde dahil sa paglaban sa demolisyon