Karapatan ng mga manggagawa sa impormal na sektor, iginiit sa ILO HLTM

Bahagi sa mga nagsumite ng kanilang mga hinaing sa kagaganap lamang na High-Level Tripartite Mission ng International Labor Organization ang mga manggagawa sa ilalim ng grupong Kadamay at Piston. Ipinanawagan nila ang paggalang sa kanilang mga karapatan bilang mga manggagawa, na katulad sa ibang sektor ay niyuyurakan ng mga pwersa ng estado. Naghapag ng mga kaso ng pang-aatake ng estado sa ang dalawang grupo na kinabibilangan ng malawakang red-tagging, militarisasyon, police haraasment, iligal na pang-aaresto, pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso, at pwersahang pagpapasuko bilang rebelde sa mga komunidad.

Sa pamamagitan ng ILO-HLTM, nananawagan ang Piston at Kadamay na itigil ang mga pang-aatake sa kanilang mga komunidad at organisasyon at itaguyod ang kanilang karapatang mag-organisa para sa ikabubuti ng kanilang sektor. Kabilang sa mga kasong ikinampanya ng grupo sa ILO-HLTM ang pagpatay ng mga sundalo noong 2020 sa secretary general ng Kadamay na si Carlito Badion.

Nanawagan din sila ng dagdag na mga social protection o benepisyo at pagkilala sa kanilang karapatan na mag-organisa ng mga unyon at makipagtawaran, anuman ang ugnayan nila sa kanilang mga amo (regular o kontraktwal), para resolbahin ang mga kinakaharap nilang isyu sa kanilang mga komunidad o lugar sa trabaho. Kaisa sila sa panawagang itaas ang sahod, pagkakaroon ng pambansang nakabubuhay na sahod, katiyakan sa trabaho, at iba pa.

Sa Pilipinas, malaking bahagi ng mga manggagawa ay mala-manggagawa o yaong nasa impormal na sektor. Karamihan sa kanila ay matatagpuan sa maralitang mga komunidad. Sila ang mga kasambahay, maliliit na manininda, mga manggagawa sa konstruksyon at iba pang manggagawa sa mga subsektor ng serbisyo at manupaktura na di regular ang trabaho, walang mga benepisyo at napakababa ng kita at sahod. Hindi sila ligtas sa mga pang-aatake at paglabag sa karapatang-tao.

Papalaki ang impormal na sektor sa nakaraang taon at parami nang parami ang nauuwi sa mga trabahong “mababa ang kalidad.” Ayon sa Ibon Foundation, nagtala ang estado ng 21.5 milyong impormal na manggagawa noong Nobyembre 2022, o 43.2% ng lahat ng itinuturing na “may trabaho” o employed. Kabilang sa kanila ang 2.1 milyong kasambahay, 13.4 milyong self-employed, at 6 na milyong nagtatrabaho sa mga sakahan at negosyo ng kanilang mga pamilya (malaking bahagi nito ang 4.4 milyong unpaid family worker). Wala pa sa mga bilang na ito ang mga impormal na manggagawa sa mga pribadong establisimyento, ayon sa Ibon.

Noong 2002, kinilala ng International Labour Conference na ang mga impormal na manggagawa o yaong hindi saklaw ng mga pormal na kasunduan ay mga manggagawa, at sa gayon, may responsiilidad ang internasyunal na kilusang unyonismo at mga gubyerno na suportahan at tulungan ang kanilang mga organisasyon at tiyakin ang kanilang representasyon. Pinagtibay ito noong 2015 nang ipinasa ng ILO ang Transition from the Informal to the Formal Economy Recommendation.

AB: Karapatan ng mga manggagawa sa impormal na sektor, iginiit sa ILO HLTM