“Forced leave” sa kumpanyang Luen Thai sa Pampanga, pahirap sa mga manggagawa

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Iniinda ng mga manggagawa ng Luen Thai Philippines sa Clark Freeport Zone, Pampanga ang pakana ng kumpanya na “forced leave” sa pagdadahilang walang produksyon ang pagawaan. Sa pahayag ng Workers’ Movement for Change-Central Luzon, umaabot sa isa hanggang dalawang buwan nang nakatengga at walang trabaho ang mga manggagawa sa kumpanya dahil sa ganitong iskema.

“Dalawang buwan na kaming forced leave, hanggang kailan niyo kami pahihirapan?”, himutok ng mga manggagawa. Marami sa kanila ang nagnanais na bayaran na lamang ng kumpanya ng separation pay, kaysa pinaghihintay sila kung kailan pagtatrabahuhin muli. Ang ibang mga manggagwa, natulak na lamang na magresayn sa trabaho para makapaghanap ng ibang mapapasukan.

Dagdag ng grupo, “ang mga nagaganap na forced leave…ay ginagawang diskarte lamang ng kapitalista para mapalaki ang kita.” Tulad sa ibang panig pa ng bansa, pinalalabas lamang ng mga kumpanya na nalulugi sila o walang natatanggap na order para sa produksyon, ngunit ang totoo ay sinasagad ang produksyon bago ilagay sa “forced leave” ang mga manggagawa. Ang labis-labis na nalikhang produkto bago nito ay iniimbak at ang ibinebenta sa panahong tigil ang produksyon, anang grupo.

“(K)aya kahit nakatigil ang produksyon, tuluy-tuloy na kumikita ang kumpanya dahil madami pa itong pwedeng ibenta,” ayon sa grupo. Sa kabilang banda, walang sahod ang mga manggagawa dahil wala silang trabaho dulot ng forced leave.

Ang Luen Thai Philippines o L&T International Group Philippines Inc. ay subsidyaryo ng Luenthai group, isang pandaigdigang kumpanya ng consumer goods supply chain at fashion. Sa bansa, mayroon itong mg pasilidad at pagawaan sa mga export procesing zone (EPZ) sa Pampanga, Tarlac, Bataan at Cebu. Nakikisosyo ito sa mga kumpanyang Ralph Lauren, Dillard’s, Adidas, Uniqlo, Victoria’s Secret, Coach, Michael Kors at iba pa.

AB: "Forced leave" sa kumpanyang Luen Thai sa Pampanga, pahirap sa mga manggagawa