Kaso ng 5 bilanggong pulitikal, ipinawalang-sala ng korte sa Taguig
Halos pitong taon mula nang sila’y inaresto, ipinawalang-sala ng isang korte sa Taguig City ang kaso ng illegal possession of firearms and ammunition laban sa limang bilanggong pulitikal na tinaguriang Sta. Cruz 5. Nagdesisyon ang korte pabor sa mga detenido noong Agosto 6.
Ang lima ay kinabibilangan ng konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Adelberto Silva, 78, unyonistang si Ireneo Atadero, 62, tanggol-kababaihang si Hedda Calderon, 70, magsasakang si Edisel Legaspi, 67, at drayber na si Julio Lusiana, 58. Dahil sa katandaan at katagalan ng detensyon, umiinda ng mga karamdaman tulad ng altapresyon, diabetes, gout, at heart disease ang mga detenido.
Inaresto ang lima sa isang tsekpoynt sa Barangay Pagsawitan, Sta. Cruz, Laguna noong Oktubre 15, 2018. Pinalabas ng ma pulis at miliar na nakumpiska sa kanila ang mga baril at granada.
Sa desisyon ng korte, ipinawalang-sala ang lima dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya at sa kaduda-dudang pamamaraan ng kapulisan sa pagkuha ng “ebidensya” laban sa kanila. Karaniwang ginagamit itong taktika ng mga pwersa ng estado para magsampa ng mga kasong kriminal para matagalang ikulong ang mga inaaresto.
Sa bisa ng desisyon ng korte, makakalaya na sina Atadero at Lusiana, habang nauna nang nakapagpyansa si Calderon noong Hunyo 2019. Mananatiling nakakulong sina Silva at Legaspi sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City dahil sa kinahaharap pang kasong pagpatay.
“Ikinalulugod namin na nakita ng hukuman ang mga kasinungalingan at hindi pagkakatugma sa mga testimonya ng mga saksi ng piskalya,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Aniya, ang Sta. Cruz 5 ay kabilang sa halos 300 bilanggong pulitikal na nakakulong sa kasalukuyan sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
“Umaasa kami na ang iba pang mga pekeng kaso ng illegal possession na kinahaharap ng ilan sa kanila upang magkaroon na ng katapusan ang kanilang hindi makatarungang pagkakakulong,” ayon kay Palabay.