Kaso ng panggigipit ng LTFRB-4A sa mga tsuper sa Southern Tagalog, naibasura
Naipabasura ng mga tsuper mula sa Starter-Piston ang Show Cause Order (SCO) laban sa kanila na isinampa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)-Region 4A. Ang SCO ay kaugnay ng sinasabing “paglabag” ng mga tsuper sa mga alituntunin ng ahensya kaugnay ng paglahok nila sa karaban ng mga organisasyon ng rehiyon noong ika-4 na SONA ni Marcos.
Napag-alaman ng grupo ang desisyon hinggil sa SCO noong Setyembre 5. Sa araw na iyon, nagsagawa rin ng rali sa upisina ng LTFRB-4A sa Lipa City, Batangas ang Starter-Piston. Bago nito, tuluy-tuloy ang naging protesta ng grupo simula pa Agosto.
Dati nang binatikos ng grupo ang SCO. Ayon sa Starter-Piston, itinatago sa likod ng sinasabing paglabag sa pagbyahe sa maling ruta ang tahasang panggigipit sa kanila ng ahensya. Giit ng grupo, hindi sila bumabyahe bilang pampublikong transportasyon nang lumahok sa karaban kundi bilang mga pribadong sasakyan.
Anang grupo, ang pagwasiwas ng SCO laban sa kanila ay naging sagka sa kanilang kabuhayan at nagsilbing banta para sila ay tanggalan ng prangkisa. Ayon sa tagapangulo ng grupo na si Ka Elmer, ang paglahok ng mga tsuper tulad niya sa kilos protesta noong SONA ay kanilang demokratikong karapatan, at dapat igalang.
Anito, bagaman ikinatuwa nila ang desisyon ng pagbasura sa SCO, malinaw na naging taktika ito ng ahensya para sila ay supilin. Dagdag ng grupo, hindi dito natatapos ang kanilang paglaban at patuloy na makikilahok sa marami pang kilos protesta.