Kaso para bawiin ang ₱1.05 bilyong nakaw na yaman ni Marcos Sr, ibinasura ng Korte Suprema

Inilabas ng Korte Suprema noong Hulyo 19 ang pinal na desisyon kaugnay sa pagbabasura sa kaso laban sa ₱1.05 bilyong nakaw na yaman ng pamilya Marcos at mga kroni nito. Sa desisyong nabuo noon pang Marso 29, sinabi ng korte na “walang sapat na ebidensya” ang estado ng Pilipinas na sabihing ninakaw ang mga ito. Sinuhayan nito ang desisyon ng Sandiganbayan noong Setyembre 25, 2019.

Ang kaso para bawiin ang nakaw na yaman ay isinampa ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) noong 1987. Kasamang pinangalanan sa isinampang kaso si Imelda Marcos, at ang mga pamilyang Tantoco at Santiago na kilalang kroni ng mga Marcos.

Kinundena ng grupong Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) ang desisyon ng korte. Anila, nakakabahala ang padron at pagiging paulit-ulit na pagdedesisyon ng mga korte sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.

“Kinukundena namin ang maraming beses na pagbabasura sa mga kaso para mabawi ang perang kinuha ng mga Marcos mula sa pampublikong pondo at sa pamamagitan ng burukrasya ng gobyerno, ang pagpapalit ng dating pinuno ng BIR na si Lilia Guillermo matapos niyang ipahayag sa publiko na ang lahat ng mga Pilipino kabilang ang mga pangulo at mga Marcos ay may pananagutan sa pagtiyak sa pagbabayad ng mga buwis sa ari-arian, at ang patuloy na hindi pagbabayad ng matagal nang nakatakdang buwis sa ari-arian.” ayon sa grupo.

“Hinihiling namin ang buong pagbabalik ng mga ninakaw na pondo ng mga Marcos at sila ay ganap na managot sa malawakang pandarambong at matinding paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng diktadurang Marcos.”

AB: Kaso para bawiin ang ₱1.05 bilyong nakaw na yaman ni Marcos Sr, ibinasura ng Korte Suprema