Balita

Kontra-atake laban sa sumusugod na 1st IB, inilunsad ng BHB-Mindoro

Nakapaglunsad ng kontra-atake ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) laban sa umaatakeng tropa ng 1st IB sa Sityo Tugas, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro noong Setyembre 9. Ayon sa yunit, kaagad nitong nabantayan ang presensya ng pwersa ng 1st IB kung kaya maagap na nakapaghanda, nakapusisyon at nakapagpaputok ang mga Pulang mandirigma.

Napatay sa labanan ang isang sundalo at nasugatan ang dalawang iba pa. Sa mga pahayag ng 1st IB at 203rd IBde, itinanggi ng mga ito ang natamong kaswalti sa kabila ng laganap na post sa social media na ikinarga sa helikopter ang mga patay at sugatang tropa nito.

Dahil sa dinanas na pinsala, duwag na gumanti ang 1st IB sa sibilyang populasyon malapit sa komunidad. Nagsagawa ng pambobomba, panganganyon at istraping ang tropang militar noong gabi ng Setyembre 9 hanggang madaling araw ng Setyembre 10.

Sa takot at troma, napilitang lumikas ang mga residente ng sityo Swerte, Tugas, at iba pang komunidad. Daan-daang residente ang hindi makapaghanap buhay nang maayos dahil sa takot sa presensya ng militar sa kabundukan.

Samantala, pinarangalan ng BHB-Mindoro ang isang Pulang mandirigma nito na namartir sa naganap na labanan. Iniulat ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro, na namatay si Ka Kardo habang magiting na nakikipaglaban sa mga pasista.

Si Ka Kardo, 33, ay nagmula sa uring magsasaka. Buong puso siyang nagsilbi bilang mandirigma ng masang api sa mahigit isang dekada ng kanyang buhay. “Tunay na simbigat ng bundok Halcon ang pagkamatay ng isang rebolusyonaryo kagaya ni Ka Kardo at ng lahat ng martir ng sambayanan,” pahayag ni Ka Madaay.

AB: Kontra-atake laban sa sumusugod na 1st IB, inilunsad ng BHB-Mindoro