News

Kontra-estudyanteng mga patakaran ng Bestlink College of the Philippines, muling binatikos

,

Muling naglunsad ng protesta ang mga estudyante ng Bestlink College of the Philippines (BCP), pribadong paaralan sa Barangay Santa Monica, Novaliches, Quezon City, noong Enero 30 para batikusin ang mga kontra-estudyante at pahirap na mga patakaran nito. Pinakahuli sa serye ng mga pahirap nitong programa ang malaking kapalpakan ng BCP sa inilunsad na pagdiriwang sa anibersaryo ng paaralan noong Enero 26 sa Bataan.

Binansagan ng Anakbayan-BCP at mga estudyante nito na #BCPTortureDay ang naturang araw ng pagdiriwang. “Imbis na magbigay-saya sa mga estudyante ay nagdulot ito ng pahirap at perwisyo hindi lang sa mga estudyante kundi pati sa mga guro, staff, magulang, at mga residenteng nakatira malapit sa resort,” ayon sa grupo.

Dagdag pa nito, ginawang “requirement” o “project” ang pagdiriwang at nangangahulugang kailangang sumama ng lahat ng mga estudyante para sa kanilang grado. Siningil umano ang mga estudyante ng ₱900 para sa transportasyon at “entrace” sa lugar na pinagdausan ng pagdiriwang. Anang grupo, hindi pa kasama dito ang pagkain kaya kanya-kanyang dala o bili ang mga estudyante pantawid sa gutom.

Sa pagsisimula pa lang umano ng araw, nalantad na ang kapalpakan ng aktibidad. Na-leyt at nag-antay nang apat hanggang limang oras ang mga estudyante sa pagdating ng inarkilang mga bus ng paaralan. Naglakad din ng 3-4 kilometro ang mga mag-aaral pagbaba ng bus upang makarating sa resort. Bilad at siksikan naman sa ilalim ng tirik na araw ang naabutan ng mga studyante pagdating doon.

“Gutom, pagod, at puyat ang marami sa mga mag-aaral kaya pinili na lang nilang humiga sa lupa at bumili ng napakamahal na pagkain at tubig,” hinaing ng Anakbayan-BCP. Katulad na mga insidente rin ang dinanas nila sa pag-uwi na ginabi na at ipinag-alala ng mga pamilya ng mga estudyante.

Sa halip na akuin ang pagkakamali, naglabas ng pahayag at kasinungalingan ang pamunuan ng BCP noong Enero 29. “Hugas-kamay ang opisyal na pahayag na ito sa kanilang kapalpakan sa pag-oorganisa ng off-campus event. At imbis na bigyang pansin ang hinaing ng mga estudyante ay minarkahan pang peke at gawa-gawa ang mga kumakalat na ebidensiya ng mga naganap noong Enero 26,” galit na pahayag ng Anakbayan-BCP.

Binatikos rin ng grupo ang “profiling” o paglilista ng mga pangalan ng mga estudyanteng nagreklamo sa kanilang dinanas.”Ito ay malinaw na manipestasyon ng anti-demokratikong pamantasan na pumipigil sa mga mag-aaral na makapagpahayag at makilahok sa pagbubuo ng mas maayos na sistema ng paaralan,” anang grupo.

Giit ng Anakbayan-BCP, dapat kaagad na aksyunan ng BCP ang naidulot na perwisyo ng palpak na pag-oorganisa ng selebrasyon sa Bataan at mga nakaraang isyu. Anila, dapat ay mayroong mapanagot sa patung-patong na pahirap na insidenteng iyon.

Matatandaan na nagkaroon din ng isyu ng hindi makatarungang pagpapatupad ng “no full payment, no full exams” sa paaralan noong Disyembre 2024. Ibinunga ng mga kampanyang ito ang pagkakabuo at pagtatatag ng balangay ng Anakbayan-BCP sa paaralan.

AB: Kontra-estudyanteng mga patakaran ng Bestlink College of the Philippines, muling binatikos