Korte sa Quezon City, ipinawalambisa ang atas ng NTC na i-block ang websayt ng Bulatlat, 26 na iba pa
Ikinalugod ng alternatibong midya at mga progresibong grupo ang desisyon ng isang korte sa Quezon City pabor sa pagpapawalambisa sa isang mapanupil na memorandum ng National Telecommunications Commission (NTC). Ang naturang memorandum ay nag-atas sa mga internet service provider na i-block ang 27 websayt ng alternatibong midya at mga progresibong grupo simula Hunyo 8, 2022.
Ang paglalabas ng memorandum ng NTC ay inudyukan ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. Walang batayang pinaratangan ni Esperon ang 27 websayt na may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at sa “terorismo.”
Sa listahan ng mga websayt, pipito lamang sa mga ito ang tunay na may kaugnayan sa Partido Komunista ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines. Kasama dito ang PRWC or Philippine Revolution Web Central, ang websayt ng NDFP at ni Prop. Jose Maria Sison.
Ang natitirang mga websayt ay sa mga lokal na mga grupong aktibista kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan (6), websayt ng alternatibong midya kabilang ang Bulatlat (3), mga progresibong mamamahayag at akademya (3), internasyunal na mga organisasyon (2), internasyunal na alternatibong balita (2), at iba pa.
Sa desisyon ng korte na may petsang Nobyembre 18, sinabi nitong sinensura ng NTC ang mga websayt bago pa man dumaan sa proseso ng hudikatura ang sinasabing kwestyunableng laman ng mga ito. Nilalabag umano nito ang garantiya sa malayang pagsasalita at pagpapahayag.
Inilahad din ng korte na nabigo ang NTC, ang National Security Council at si Esperon na patunayang mayroong malinaw at kasalukuyang panganib na magbibigay katwiran sa pag-block sa mga websayt. Dagdag nito, mali ang NTC sa pagsasaad sa Anti-Terror Act of 2020 bilang ligal na batayan para sa memorandum.
Ayon sa Bulatlat, grupong nagsampa ng reklamo sa korte, maituturing na isang mahalagang panalo sa kalayaan sa pamamahayag, pagsasalita at pagpapahayag ang desisyon ng korte. “Isa itong tagumpay laban sa pagsesensura ng estado, laban sa paggamit sa retorika ng ‘kontra-terorismo’ para bigyang katwiran ang paglabag sa malayang pagsasalita at pagpapahayag,” anito.
Nagpasalamat ang Bulatlat sa mga abugado ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na humarap sa korte at kumatawan sa kanila. Pinasalamatan rin nito ang lahat ng mga kapwa mamamahayag, tagasuporta at mga grupo sa karapatang-tao na tumindig kasama nila. Kinilala rin ng grupo ang suporta ng internasyunal na komunidad at mga institusyon kabilang si United Nations Special Rapporteur on Freedom of Expression and Opinion Irene Khan.
Sinaludahan ng Bayan ang pagkapanalo at paghamon ng Bulatlat sa memorandum ng NTC sa korte. Anito, ang pag-block sa mga websayt ay bahagi ng sistemikong kampanya ng paninira ng mga pwersa ng estado para tanggalan ng boses at baliwalain ang mga pakikibak ang mamamayan.
Kinundena rin nito ang patuloy na pagtanggi ng gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr na baligtarin ang atas ng NTC at ang pagpapatupad ng mga mapanupil na patakaran at batas. Sa harap ng mga ito, kinakailangan umanong ipagpatuloy ang paglaban sa mga arbitraryong restrikyon, pagsensura, at igiit ang karapatang magpahayag ng galit laban sa pag-abuso sa kapangyarihan.