Krisis sa mental health, lumalala sa hanay ng kabataan

Isang estudyante ng University of Eastern Philippines ang natagpuang wala nang buhay sa kanyang tinitirahan sa Catarman, Northern Samar sa araw mismo ng graduation rites ng paaralan ngayong araw, Hunyo 10.

Ayon sa balitang ibinahagi ni Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Partylist, nakita sa loob ng kanyang kwarto ang pinaniniwalaang liham ng pamamaalam na nagsasaad ng paghingi niya ng tawad sa kanyang mga magulang dahil sa kabiguan niyang makapagtapos sa tamang panahon.

“Hindi dapat nating winawalambahala ang buhay ng mga kabataang nawala dahil sa pang-ekonomiko at akademikong krisis na dala ng ating lipunan. Panahon na para bigyang atensyon ng Marcos Jr-Duterte administration ang umiiral na mental health crisis at pagtalakayan ang ganitong mga insidente upang makabuo ng pambansang plano,” pahayag ni Rep. Manuel.

“Mahigpit na yakap sa kapwa kabataan na humaharap sa kani-kanilang pagsubok. Sana ay maging mas maunawain tayo sa isa’t isa at sa sarili. Ipaglaban natin ang kinabukasan kung saan walang sinumang kabataan ang masasawi dahil lang siya ay nangarap,” aniya.

Batay sa datos ng Department of Education, 404 na ang kabuuang bilang ng estudyante mula sa pampublikong paaralan na ang nagpatiwakal simula nang magkaron ng pandemya na lalong nagpalala sa krisis sa mental health ng kabataan. Umabot naman sa 2,147 ang bilang ng mga nagtangka at 775,962 ang nakapagkonsulta sa guidance counseling sa taong 2021.

Ilang buwan din lamang ang nakalilipas matapos naitala ang kaparehong insidente kung saan dalawang estudyante sa senior high school mula sa University of the East at San Beda College Alabang ang nagpatiwakal. Matatandaang isang estudyante ng University of the Philippines-Manila, si Kristel Tejada, ang piniling wakasan ang sariling buhay matapos lumiban sa unibersidad dahil sa kawalan ng kakayahan ng kanyang pamilya na bayaran ang kanyang matrikula.

AB: Krisis sa mental health, lumalala sa hanay ng kabataan