Libu-libong manggagawa ng Samsung Electronics sa South Korea, nagkasa ng walang taning na welga

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mahigt 6,500 manggagawa ng Samsung Electronics sa South Korea ang nagkasa ng “walang taning na welga” noong Hulyo 10. Naabot ng mga manggagawa ang desisyon matapos hindi tugunan ng maneydsment ng kumpanya ang kanilang mga hinaing sa paunang 3-araw na welga mula Hulyo 7. Tatlong libo sa kanila ang nagrali sa harap ng hedkwarters ng kumpanya sa Hwaseong, sa timog na bahagi ng Seoul, kabisera ng bansa, noong Hulyo 10.

Pinangunahan ang welga at mga pagkilos ng National Samsung Electronics Union (NSEU), na kumakatawan sa 30,000 manggagawa o 1/4 ng kabuang pwersa ng paggawa ng kumpanya. Bumoto ang halos 80% ng mga myembro ng unyon para magwelga noong Abril.

Bago nito, isinagawa ng myembro ng unyon ang isang walk-out noong Hunyo sa itinuturing na unang welga sa kasaysayan ng kumpanya. Limang taon pa lamang nakatayo ang unyon dulot ng matinding panunupil at paninikil ng Samsung sa mga karapatan sa paggawa. Noong 2020, napilitan ang Samsung na “humingi ng patawad” sa mahabang rekord nito ng pambubuwag ng unyon at iba pang kontra-manggagawang mga hakbang.

Pangunahing iginigiit ng manggagawa ang 6.5% dagdag sa kanilang sahod na sa totoo’y maliit lamang kumpara sa dambuhalang kita ng kumpanya. Sa pangalawang kwarto nitong taon, tinatayang 15 beses na lumaki ang kita ng Samsung ($7.54 billion).

“Sampung taon nang sinasabi ng kumpanya na nasa krisis ito, kahit pa napakataas ang kinikita nito,” ayon kay Son Woo-mok, presidente ng NSEU. “Lumalaki rin ang disgusto ng mga manggagawa sa kawalan ng pagtaas ng performance bonus.”

Iginigiit din ng mga manggagawa na baguhin ng kumpanya ang sistema sa pagbibigay nito ng mga bonus. Anito, ang bonus sa ordinaryong mga manggagawa ay kinukuha matapos tanggalin ang cost of capital sa kita ng kumpanya, samantalang ang bonus ng mga upisyal nito ay base sa personal nilang performance. Nais din nilang magkaroon ng dagdag na isang araw na bayad na bakasyon para sa mga unyonisadong mga manggagawa.

Marami sa mga lumahok sa welga ay kabataang manggagawa, na naniniwalang kailangan nila ang unyon para sa isang makataong lugar sa trabaho. Target ng unyon na paramihin pa ang mapalahok sa mga welga para pahinain ang produksyon. Sa ngayon, malaking bahagi ng produksyon ay automated na, kung kaya’t kailangang magbuklod ang pinakamaraming manggagawa sa kumpanya para pigilan ang produksyon.

“Dumarami sa mga manggagawa sa loob ng kumpanya ang namumulat kung bakit kailangan nila ng unyon, para magkaroon sila ng boses, at pinalalakas nila ang unyon sa bawat araw,” ayon kay Son Woo-mok, presidente ng NSEU.

AB: Libu-libong manggagawa ng Samsung Electronics sa South Korea, nagkasa ng walang taning na welga