Balita

Libu-libong tropang US, namamalagi sa Pilipinas sa tabing ng mga war game

,

Sa darating na Nobyembre 9, ilulunsad ng US, sa pamumuno ng Marine Rotational Force—Southeast Asia (MRF-SEA) nito, ang war game na Kamandag. Lalahukan ito ng 1,800 tropa mula sa Pilipinas, US, South Korea at Japan. Isasagawa ang mga pagsasanay sa Palawan, Batanes, Zamboanga at Tawi-Tawi. Huli lamang ito sa daan-daang aktibidad at operasyong militar na inilunsad ng US, pati ng mga alyado nito, sa loob ng teritoryo ng Pilipinas nitong taon.

Noong Oktubre, inilunsad din ng mga MRF-SEA ang war game na Sama-Sama 2023 na tumakbo nang 12 araw at nilahukan ng mahigit 1,000 tropa mula sa US, Pilipinas, Australia, Canada, France, Japan, Malaysia at United Kingdom. Dinayo ito ng iba’t ibang warship mula Australia, UK at Canada.

Ang MRF-SEA ay pangalawang “task force” na binuo ng US Marines para magsilbing “forward-positioned” na tropa ng US sa Southeast Asia. Inatasan itong magsagawa ng “back-to-back” o magkakasunod na war game sa rehiyon hanggang Disyembre. Liban sa Kamandag at Sama-Sama, ilulunsad nito ang Cooperation Afloat Readiness and Training (CARAT) sa Brunei, Marine Exercise (MAREX) sa Indonesia, at Exercise Valiant Mark (VM) sa Singapore.

Ang mga war game na ito, na nakapokus sa “pagsasanay” ng mga sundalong Marines marino ng US at Pilipinas, ay bahagi ng disenyo ng US na itransporma tungo sa isang “strike force” ang mga yunit na ito. Alinsunod ito sa Force Design ng US Marine Corps na may layuning ihanda ang mga yunit ng Marines ng US, pati ng rin ng Pilipinas at iba pang hukbo sa Southeast Asia, sa isang gerang nabal laban sa karibal nitong imperyalistang China.

Mayor na layunin ng Force Design, na unang inilatag noong 2019, ang transpormasyon ng US Marines bilang pwersang “inland” (panlupa) tungong “littoral” (malapit sa baybay) at ituon ang “pangunahing pokus” nito sa “kumpetisyon sa pagitan ng malalaking kapangyarihan” sa rehiyon ng Indo-Pacific.

Layunin din nito ang pag-upgrade ng kapasidad at kagamitan ng mga yunit ng Marines tungo sa pagiging mas “amphibious” (pwedeng sa tubig at lupa) at pagsasanay sa mga pwersa nito sa “amphibious operations” o pag-atake mula sa dagat gamit ang mga barkong nabal at jetfighter. Madalas, itinatago ang pagsasanay na ito sa mga operasyong “coastal defense,” “humanitarian operations,” at iba pa. Bahagi ng mga war game ang pagsasanay ng mga tropa sa mga operasyong nukleyar.

AB: Libu-libong tropang US, namamalagi sa Pilipinas sa tabing ng mga war game