Lider-aktibista sa Bicol, nakalaya matapos magpyansa

,

Matapos ang halos limang buwan ng iligal na pagkakakulong, pansamantalang nakalaya ang lider-aktibista na si Marites Pielago kahapon pagkatapos magpyansa. Si Pielago, tagapagtatag ng Bicolana Gabriela at upisyal ng Bagong Alyansang Makabayan sa Bicol, ay inaresto sa gawa-gawang kasong pagpaslang at bigong paslang noong Hulyo 28 ngayong taon.

Pinagpyansa si Pielago ng ₱600,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan matapos katigan ng Regional Trial Court 5th Judicial Region Branch 59 sa Iriga City ang kanyang petisyon para makapagpyansa.

Si Pielago, 63, ay nagpapagamot sa Dr. Nilo O. Roa Memorial Foundation Hospital, Barangay San Francisco, Naga City nang arestuhin ng labis-labis na bilang ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar.

Samantala, inianunsyo ng grupong Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) noong Disyembre 15 na inaprubahan ng lokal na korte ang Motion to Reduce Bail ng national vice president nito at tagapagsalita ng CONDOR-PISTON Bicol na si Ramon Rescovilla.

Si Rescovilla ay inaresto sa Daraga, Albay noong Setyembre 2020 sa gawa-gawang mga kaso. Dumanas ng tortyur si Rescovilla sa kamay ng mga pwersa nang estado habang nakapiit.

Siya ay kilalang lider-tsuper sa Bicol na isa sa mga nanguna sa matatagumpay na pagkilos at welga para labanan ang jeepney phaseout. Dahil dito, paulit-ulit siyang ginpit at naging biktima red-tagging ng mga ahente ng estado bago ang kanyang pagkakakulong.

Tumindi ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa rehiyong Bicol nang ilabas ng dating rehimeng Duterte ang Memorandum Order 32 noong Nobyembre 2018 na nagpailalim sa rehiyon sa isang de facto martial law na kinatampukan ng pagdumog dito ng mga pwersang militar at pulis.

AB: Lider-aktibista sa Bicol, nakalaya matapos magpyansa