Lider-mangingisda sa La Union, paulit-ulit na ginigipit ng 5th ID
Walang tigil ang panggigipit at panliligalig ng mga ahente at pwersa ng 5th ID kay Lourdes Doctolero, ikalawang tagapangulo ng Alyansa dagiti Mannalon ken Mangngalap ti La Union (AMMLU). Kasama dito ang “pagbisita” kay si Doctolero ng apat na ahente ng militar sa kanyang bahay sa Barangay San Isidro, Agoo, La Union noong Marso 10 at Marso 16.
Sa pangunguna ni Sgt. Junas Asuncion Difuntorum ng 5th ID, kasama ang tatlo pang nagpakilalang sundalo at isang kagawad ng barangay, tinanong si Doctolero kung sino ang mga lider ng Timek ken Namnama dagiti Babassit a Mangalap iti La Union (Timek La Union), samahan ng mga mangingisda sa prubinsya. Binanggit ni Difuntorum sa kanya ang balak nilang puntahan si Edward Kuan at balikan si George Cacayuran, mga lider ng Timek La Union, para “kausapin.”
“Sinabi din ni Difuntorum na nais nilang tumulong at magtayo ng organisasyon ng mangingisda sa San Isidro,” ayon sa Ilocos Human Rights Alliance (IHRA)-Karapatan. Sa karanasan sa ibang bahagi ng bansa, modus ng militar sa tulak ng National Task Force-Elcac ang “pagtatayo” ng mga samahan o organisasyong masa na may layuning ipailalim ito sa direktang kontrol at diktahan ang pagpapatakbo dito. Bahagi ito ng kanilang “whole-of-nation” approach.
“Bistado na ang modus na “pakikipagkaibigan” ngunit sa huli ay pagpapasuko ang layunin. Pera ang ultimong layunin ng mga sundalong ito. Sa bawat “mapapasuko” nila ay may tiyak na maibubulsa ang mga elemento ng estado,” ayon sa AMMLU.
Hinanap rin umano sa kanya si Genaro Dela Cruz, tagapagsalita ng IHRA-Karapatan. Si Sgt. Difuntorum, binansagan ng IHRA-Karapatan bilang “notoryus sa anti-mamamayang modus ng pekeng pagpapasuko sa rehiyon,” ang siya ring nanguna sa matinding panggigipit sa iba pang lider-masa sa rehiyon sa nagdaang taon.
Samantala, noong Marso 16 ay tinawagan sa selpon ng mga sundalo si Doctolero. Muli ding pinuntahan ng mga sundalo ang bahay ng pamilyang Doctolero. Nagdulot ito ng matinding takot at pangamba sa seguridad sa kanya at kanyang pamilya. Ayon sa IHRA-Karapatan, nagsampa na ng reklamo si Doctolero sa Commission on Human Rights, pero patuloy pa rin siyang ginigipit ng mga sundalo.
“Nananawagan kami na dapat itigil ng 5th IDPA ang kanilang panghaharas kina Doctolero at iba pang mangingisda sa Agoo. Karapatan ng mamamayan ang mag-organisa at magbuo ng organisasyon at ginagarantiyahan ito ng Saligang Batas,” ayon sa IHRA-Karapatan.
Anito, kung mayroong masamang mangyari kila Doctolero at kanyang mga kapamilya, walang ibang nasa likod nito kundi si Sergeant Difuntorum at ang 5th ID.