Ligtas na kundisyon sa paggawa, iginiit

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hindi bababa sa apat na manggagawa sa konstruksyon ang namatay sa lugar na pinagtatrabahuan nitong unang linggo ng Abril. Kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay sa mga pamilya ng naturang manggagawa, pinananagot ng Kilusang Mayo Uno ang mga kumpanyang nag-empleyo sa kanila sa di pagsunod ng mga ito sa mga pamantayan para sa ligtas na paggawa.

Kabilang sa iniulat ng KMU ang kaso ni Allen Glen Malab na namatay matapos matabunan ng lupa sa Antipolo noong Abril 1. Gumuho ang tone-toneladang lupa sa construction site ng ginagawa nilang bahay. Liban kay Malab, apat pang manggagawa ang nasugatan.

Noong Abril 2, isang manggagawa sa konstruksyon ang natuhog ng bakal matapos madulas sa construction site. Walang anumang kagamitang pangkaligtasan o safety equipment ang mga manggagawa sa site na ito. Kinabukasan, dalawang manggagawa sa Herma Shipyard Incorporated ang namatay sa pagsabog ng makina sa pabrika sa Mariveles, Bataan.

Ayon sa huling datos ng Philippine Statistics Authority, nagtala ang sektor ng konstruksyon ng 3,870 kaso ng mga aksidente sa trabahuan ang mga kumpanya sa konstruksyon na may 20-pataas na manggagawa noong 2019. Hindi bababa sa 58 manggagawa ang namatay sa mga aksidenteng ito, habang lima ang tuluyang nabalda*.

Sa kabuuan ng taong iyon, naiulat ang 40,892 manggagawa ang nasaktan (injury) sa lahat ng sektor ng paggawa. Pinakamataas ang insidente ng mga aksidente sa sektor ng pagmamanupaktura (17,454), kasunod sa administrative and support services (4,538) at pangatlo sa konstruksyon.

*permanently incapacitated

AB: Ligtas na kundisyon sa paggawa, iginiit