Balita

Limos na dagdag-sahod sa Calabarzon at Central Visayas, binatikos

,

Hindi katanggap-tanggap para sa mga manggagawa ang limos na dagdag-sahod na iginawad ng mga rehiyunal na wage board sa Calabarzon at Central Visayas noong Setyembre 17.

Magkakabisa ang kautusan para sa baryang na dagdag sahod na ₱21-₱75/araw sa Calabaron sa Setyembre 30. Matatanggap naman ng mga manggagawa ang limos na ₱33-₱43/araw sa Central Visayas sa Oktubre 2.

Ang magiging bagong minimum na sahod sa Calabarzon ay ₱560 para sa mga manggagawang di agrikultural, ₱500 para sa mga manggagawang agrikultural at ₱425 para sa mga nasa sektor ng retail at serbisyo.

Sa Central Visayas, ang bagong minimum wage ay ₱501 para sa “class A” na mga lugar, ₱463 para sa “class B” at ₱453 para sa “class C.”

“Hindi kami pulubi kaya’t hindi katanggap-tanggap ang limos na wage increase,” ayon kay Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno at kandidatong senador ng Makabayan. Kinundena niya ang barat na dagdag-sahod laluna’t balitang-balita pa ang selebrasyong puno ng luho para sa ika-67 kaarawan ni Ferdinand Marcos Jr.

Ang family living wage sa CALABARZON ay ₱1,131 at sa Central Visayas ay ₱1,278; mahigit doble pa rin sa ₱541-595 minimum wage sa CALABARZON at ₱501-511 minimum wage sa Central Visayas.

Binatikos ni Adonis ang tingi-tinging pamamaraan ng paggawad ng dagdag-sahod at ang malawak ang agwat ng mga minimum na sahod kada rehiyon. Liban sa Calabarzon at Central Visayas, ang National Capital Region pa lamang ang nagpatupad ng dagdag-sahod na ₱35/araw ngayong taon.

Ayon kay Adonis, ang ₱1,200 na national minimum wage na iginigiit ng mga manggagawa ay sapat-sapat lamang para mabuhay sila at ang kanilang mga pamilya. “Sa totoo lang, kulang na kulang pa ‘yan kung ikukumpara sa nililikha naming kita ng mga kapitalista,” aniya.

Sa Cebu, halimbawa, halos dumoble ang produktibidad ng mga manggagawa mula 1989 hanggang 2023 (88%), pero ang abereyds na minimum na sahod ay bumagsak nang 22% sa parehong panahon.

“Pinagsamantalahan ng mga kapiltaista ang 88% na pagtaas ng produktibidad ng mga manggagawa para kumamal ng kita habang walang ipinagkait ang makatarungang pagtaas sa kanilang sahod,” ayon kay Jaime Paglinawan ng AMA-Sugbo-KMU.

Panawagan ng mga lider manggagawa sa lahat ng mga manggagawa na higit pang magbuklod para itulak ang rehimen na itaas ang sahod sa nakabubuhay na antas.

AB: Limos na dagdag-sahod sa Calabarzon at Central Visayas, binatikos