Balita

Mabilis na pagresolba sa kaso ni Mary Jane Veloso, muling ipinanawagan

,

Nagpahayag ng pagkadismaya ang Migrante International sa usad-pagong na takbo ng kaso ni Mary Jane Veloso. Sampung buwan nang nakakulong si Veloso sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong, ngunit wala pa ring nangyayari sa kanyang kaso.

Noong Oktubre 30, dumulog sa Supreme Court ang pamilya ni Veloso, kasama ang mga myembro ng Migrante International, upang hilingin na pabilisin ang kanyang kaso. Kailangan na lamang ni Veloso magpahayag ng kanyang testimonya sa korte at patunayan na siya at biktima ng trafficking at iligal na rekruter.

Kasalukuyang nakabimbin ang kaso ni Veloso sa Regional Trial Court Branch 89 sa Baloc, Sto. Domingo, Nueva Ecija kung saan sinampahan ng kasong human trafficking, illegal recruitment at estafa sila Christina Sergio at Julius Lacanilao. Si Veloso ang nagsampa ng kaso at huling saksi para sa kaso. Hindi pa rin siya nakapagbibigay ng kanyang testimonya kaugnay sa kasong ito.

Si Veloso ay nakulong noong 2010 sa Indonesia matapos siyang mahuli na may bitbit na droga sa Yogyakarta Airport. Nilinlang siya ng kanyang rekruter na bitbitin ang bagahe. Nahatulan siya ng kamatayan ngunit naantala ang pagpapatupad dahil sa malalaking pagkilos noon sa Pilipinas. Noong Disyembre 2024, pinahintulutan ng gubyerno ng Indonesia na ilipat si Veloso sa kustodiya ng Pilipinas.

“Umabot na sa 15 taon ang kaso ni Veloso pero hindi pa rin ito natatapos. Ngayon na nasa Pilipinas siya, bakit hindi pa rin siya nagbibigay ng kanyang testimonya? Patuloy pa rin siyang pinagkakaitan ng estado ng kanyang karapatan. Ang katarungang naantala para kay Mary Jane Veloso ay katarungang ipinagkait para sa lahat ng mga biktima ng pang-aalipin sa paggawa,” pahayag ni Joanna Concepcion, tagapangulo ng Migrante International.

Patuloy ding nananawagan ang pamilya ni Veloso na gawaran siya ng rehimeng US-Marcos ng executive clemency batay sa mga makataong kadahilanan.

“Muli, hinahamon namin si Marcos Jr na bigyan si Veloso ng full clemency na narararapat sa kanya. Walang ligal na batayan para pahabain pa ang kanyang pagkakakulong. Ang hustisya para kay Veloso ay hindi lamang hustisya mula sa nag-traffick sa kanya kundi kalayaan at mainit na yakap ng kanyang pamilya at ng mamamayan,” dagdag ni Concepcion.

AB: Mabilis na pagresolba sa kaso ni Mary Jane Veloso, muling ipinanawagan