Malawakang demonstrasyon kontra korapsyon sa Setyembre 21, kasado na
Pangungunahan ng sektor ng kabataang estudyante at ng TAMA NA (Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance) ang malawakang demonstrasyon kontra korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos sa Setyembre 21. Magtitipun-tipon ang iba’t ibang mga grupo at sektor sa Luneta Park sa Maynila para magsagawa ng programa.
Panawagan ng mga organisador na “bahain ang Luneta” ng malaking protesta. Anila, magiging tugon ito sa nalantad na mga anomalya at katiwalian pangunahin sa mga proyektong flood control sa ilalim ng rehimen.
“TAMA NA! Itigil ang kurakot! Lahat ng sangkot, dapat managot!” deklarasyon ng TAMA NA. Mayroong anim na pangunahing panawagan ang mga grupo sa isasagawang demonstrasyon.
Una, giit nilang alisin sa pwesto, panagutin at ikulong ang lahat ng sangkot sa maanomalyang mga proyektong flood control at iba pang pangungurakot mula kay Duterte hanggang kay Marcos. Ikalawa, panawagan nilang ibalik ang ninakaw na pera ng bayan.
Anila, dapat bawiin ito sa pamamagitan ng pagsamsam sa mga luxury cars, mamahaling relo, signature bag at designer clothes ng mga korap na kontraktor, upisyal at pulitiko. Kapag nabawi na, dapat umanong ilaan ang pera sa sektor ng kalusugan, edukasyon, pabahay, kompensasyon sa mga nabaha.
Ikatlo, dapat tiyakin na i-abolish ang lahat ng pork barrel funds at sikretong confidential and intelligence funds. Ika-apat, hiling nilang buksan ang Statements of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) ng lahat ng mga upisyal ng gubyerno para masilip ang kanilang mga bank account at ari-arian.
Ikalima, giit nilang ilabas ang lista at i-ban ang mga kontraktor at mga suplayer na sangkot sa katiwalian at may kaugnayan sa mga mambabatas at upisyal ng gobyerno. At panghuli, dapat buwagin ang “small group” sa Kongreso at ibukas sa publiko ang buong rekord ng mga budget hearing at bicameral conference committee.
“Lubos…ang aming galit sa malawakang pagnanakaw at walang kahihiyang nepotismo na nagaganap,” pahayag ni University of the Philippines (UP) Student Regent Dexter Clemente, isa sa namuno sa walkout ng 5,000 estudyante sa UP Diliman noong Setyembre 12.
Nanawagan si Clemente sa mga kapwa niya kabataan na magtipon sa Luneta at makiisa sa demonstrasyon. “Batikusin at kundenahin natin ang mga pulitiko at kontratista na nag-iiba-iba ng kulay ngunit sumasamba sa pera, na nagnanakaw sa pondo ng bayan,” ayon pa kay Clemente.
Nagbigay naman ng paalala si Prop. David Michael San Juan, lider ng TAMA NA, na bukas ang demonstrasyon sa lahat ng mga tumitindig laban sa korapsyon. “Liban lang sa mga panatiko na patuloy pa ring sumusuporta at nagtatanggol sa mga kurakot na pulitiko,” pahabol ng propesor.
Nagpahayag ng suporta at makikiisa sa pagkilos na pangungunahan ng mga kabataan ang mga lider-simbahan at beterano ng kontra-diktadura at kontra-korapsyong pakikibaka. Kabilang dito sina Bishop Gerardo Alminaza ng Diocese of San Carlos at tumatayong bise presidente ng Caritas Philippines, Atty. Tony La Vina, Sr. May John Mananzan ng Movement Against Tyranny, direktor na si Joel Lamangan, dating pangulo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na si Noel Leyco, Mae Paner a.k.a. Juana Change, mga mamamahayag na sina Inday Espina Varona, Ma. Ceres P. Doyo, Neni Sta. Romana Cruz, at Paulynn Sicam, at si Teddy Casiño ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Ayon sa Bayan, labis-labis na ang galit ng mamamayan sa nalantad na mga katiwalian sa mga proyektong flood control na nagpapakita ng patuloy na pag-iral ng sistemang pork barrel sa gubyerno. “Pinatutunayan nito ang hagupit ng burukratang kapitalismo kung saan ginagamit ng mga pulitiko ang kanilang pusisyon at impluwensya…para palakihin ang kanilang kayamanan at kapangyarihan,” pahayag ng grupo.
Liban sa pagkilos sa Luneta Park, inianunsyo ng TAMA NA na lalahok din ito sa protesta kontra korapsyon sa EDSA People Power Monument sa araw na iyon sa hapon. Ang pagkilos sa People Power Monument ay pangungunahan ng mga taong-simbahan at mga civil society organizations.
Labas sa Metro Manila, nag-anunsyo rin ang iba’t ibang mga grupo at sektor ng kani-kanilang pagkilos sa mga prubinsya. Nakatakdang ilunsad ang mga pagkilos at aktibdiad sa Setyembre 21 sa Baguio City, La Union, Ilocos Norte, Pampanga, Oriental Mindoro, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Iloilo, Negros Occidental, Cebu, sa Tacloban City, Cagayan de Oro City, at Davao City.