Mamamahayag pangkampus ng PUP, "ipinatatawag" ng PNP-CIDG
Nakatanggap ng subpoena mula sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines-Manila at mamamahayag pangkampus ng The Catalyst na si Jacob Baluyot noong Oktubre 7. Ipinatatawag siya ng mga pwersa ng estado dahil umano sa pagkakasangkot sa protesta at salpukan sa Mendiola, Maynila noong Setyembre 21.
Inatasan si Baluyot ng PNP-CIDG na pumunta sa Camp Crame sa Quezon City sa Oktubre 10 para magpailalim sa imbestigasyon. Sa subpoena, binantaan si Baluyot ng mga pulis na kung hindi dadalo ay maaaring masampahan ng kasong Indirect Contempt of Court.
Kinundena ng The Catalyst, Alyansa ng Kabataang Mamamahayag ng PUP (AKM PUP) at College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang panggigipit ng mga pulis. “Banta ito sa kalayaan ng pamamahayag at pakikilahok sa mapayapang pagkilos,” pahayag ng The Catalyst. Tagapangulo ng AKM-PUP si Baluyot.
Ayon sa AKM-PUP, bilang mamamahayag, lumahok si Baluyot sa protesta upang magbalita, gabayan at tiyakin ang kalagayan ng mga myembro ng mga pampahayagang pangkampus ng PUP. “Sa kabila nito, siya ngayon ay ipinapaharap sa Camp Crame,” anang grupo.
“Malinaw na ang hakbang na ito ay isang garapalang anyo ng panunupil na naglalayong patahimikin at takutin ang mga kabataang mamamahayag at mga mamamayang lumahok sa nasabing protesta,” ayon sa AKM-PUP. Dagdag pa ng grupo, hindi kailanman krimen ang magprotesta, at lalong hindi krimen ang mag-ulat ng katotohanan.
Tinawag ng CEGP na taktikang Marcosian ang paggamit ng mga pulis ng subpoena para gipitin si Baluyot. “Ito ay isang malinaw na atake sa pamamahayag pangkampus at buong hanay ng mga estudyanteng Pilipino,” ayon sa CEGP.
Malinaw umanong layunin nito na limitahan ang independyente at kritikal na pag-uulat ng mga pahayagang pangkampus, laluna sa harap ng lumalawak na diskuntento ng mga estudyante sa nabubunyag na mga katiwalian sa gubyerno. “Dapat mapanagot ang PNP sa krimeng ito,” ayon sa CEGP.
Dagdag pa ng grupo, ang mapanupil na hakbang na ito ng mga pulis ay nagpapatunay lamang sa matagal nang padron ng mga paglabag ng estado sa karapatan sa malayang pamamahayag sa mga kampus. Sa harap nito, hinamon ng CEGP ang mga administrador ng mga paaralan na tumindig para sa kanialng mga estudyante at salagin ang mga banta na ito.
Isang araw bago natanggap ni Baluyot ang subpoena mula sa PNP-CIDG, inianunsyo ng mga pulis na maglalabas ito ng mga subpoena para sa mga tinukoy nitong lider at mga lumahok sa protesta sa Mendiola. Inaasahang makatatanggap pa ng subpoena sa darating na mga araw ang mga aktibista, lider-masa at iba pang indibidwal na arbitraryong pinili ng mga pulis na ipaiilalim sa imbestigasyon.
Matatandaan na hindi bababa sa 277 indibidwal, kabilang ang higt 90 menor de edad, ang inaresto at ilang araw na ikinulong ng mga pulis sa naganap na marahas na pagbuwag sa protesta sa Mendiola noong Setyembre 21. Dalawang indibidwal ang naitalang namatay sa karahasang nangyari sa Mendiola, kabilang ang isang manggagawa sa konstruksyon na binaril ng pulis.