Balita

Mamamayang katutubo ng Pilipinas, nakiisa sa mamamayan sa El Salvador laban sa pagmimina

,

Nakiisa ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas sa mamamayan ng El Salvador sa kanilang pakikibaka para pigilan ang pagpasok operasyon ng pagmimina sa kanilang bansa.

“Nakikiisa kami sa inyong mga pakikibaka, dahil tulad ninyo, dinambong rin ng mga minahan ang aming lupa, at nagresulta ito sa pagkapinsala ng kapaligiran, pagpapalayas, at paglabag sa aming mga karapatan bilang tagapangalaga ng aming lupang ninuno,” pahayag ng Katribu.

Sang-ayon ang grupo sa panawagan ng mamamayan ng El Salvador para sa pagtatakwil ng pagmimina na mas pinahahalagahan ang kita kaysa tao at kaligtasan ng planeta. Nanawagan din ito sa kagyat na pagpapalaya sa limang aktibistang ikinulong ng El Salvador dahil sa kanilang pagtutol sa pagmimina.

Noong 2017, nagpasa ng batas ang estado ng El Salvador para ipagbawal ang pagmimina ng lahat ng metal sa buong bansa. Ang ganitong deklarasyon ay kauna-unahan sa buong mundo. Ang makasaysayang batas na ito ay ipinasa nang walang pagtutol ng kanilang mga mambababatas, tanda ng malawak na suporta nito sa mamamayan at bunga na rin ng kilusang masa na matagal nang nagtulak para sa proteksyon ng kalikasan at mga karapatan sa tubig.

Ang pagbabawal ay pangunahing pinangunahan pag-aalala kaugnay sa masamang epekto ng pagmimina sa mga mapagkukunan ng tubig, partikular ang Ilog Lempa, na nagsisilbing mahalagang pinagkukunan ng tubig para sa malaking bahagi ng populasyon. Ipinagbawal ng batas ang lahat ng klase ng pagmimina, kabilang ang mga eksplorasyon.

Gayunapaman, binawi ng kongreso ng El Salvador ang batas noong Disyembre 2024, sa pagdadahilang kikita ng malaki ang gubyerno mula sa pagmimina. Layunin ng hakbang na ito na ipakita sa International Monetary Fund at iba pang imperyalistang institusyon na may kakayahang magbayad ng utang ang bansa. Itinutulak ng kasalukuyang presidente ng bansa na si Nayib Bukele na muling pahintulutan ang kumpanya na magmina sa lahat ng dako ng bansa, liban sa mga protektadong lugar.

Bago ipinagbawal, may mga operasyon ang pinakamalalaking kumpanya ng mina sa bansa. Isa rito ang Pacific Rim Mining Corporation na nagpapatakbo sa operasyonng El Dorado gold mine. Tinatayang may 1.4 onse (ounce) ng reserbang ginto ang minahan na ito na may halagang $3.6 bilyon.

AB: Mamamayang katutubo ng Pilipinas, nakiisa sa mamamayan sa El Salvador laban sa pagmimina