Balita

Maramihang tanggalan sa Kowloon, kinundena ng mga manggagawa, unyon

,

Nagprotesta ang mga manggagawa ng Kowloon House West sa West Avenue, Quezon City noong Abril 24 laban sa planong tanggalan sa mahigit 70 manggagawa at pagpapasara sa Noodle House nito. Ang hakbang na ito ng pamunuan ng Kowloon House West ay itinuring nilang ganting salakay matapos mapirmahan ang isang kasunduan sa pagitan nito at ng Glowhrain-KMU Kowloon House West Chapter na bunga ng anim na araw na welga.

Ayon sa mga manggagawa, ipinagbigay alam sa kanila ng Katipunan Food Services Inc (KFSI), pamunuan ng Kowloon, ang pagsasara ng Noodle House sa isang pulong noong Abril 22. Wala umanong kahit anong pormal na abiso o konsultasyon ang hakbang na ito sa Glowhrain-KMU Kowloon House West Chapter.

Giit ng unyon, iligal ang tanggalan dahil saklaw sa kasunduan sa Collective Bafgaining Agreement (CBA) ang mga manggagawa sa Noodle House na kinikilala maging ng National Conciliation and Mediation Board. Bahagi umano ang mga manggagawa sa Annex B ng CBA o “Dimsum Counter Boy and Girl.”

“Matagal nang hindi kinikilala ang mga manggagawa sa noodle house. Kinilala na kami sa NCMB, pero ang sagot ng management ay tanggalin kami. Lantad itong panunupil. Marami sa amin, taon na sa trabaho pero minimum wage pa rin, palipat-lipat pa ng assignment,” Arnel Diwa, isang manggagawa sa noodle house.

Binatikos ng unyon ang pagdadahilan ng pamunuan na kundisyon ng kalusugan ng may-ari ang rason kung bakit ito ipinasasara. Anila, hindi iyon makatarungang batayan para isaisantabi ang wastong proseso, mga kasunduan sa paggagawa, proteksyon sa trabaho at iba pang karapatan.

Paglabag din ang tanggalan sa Memorandum Of Agreement na pinirmahan ng pamunuan at unyon matapos ang welga. Tahasang ipinagbabawal sa kasunduan ang kahit anong mapaghiganting hakbang sa mga manggagawa. Bilang agarang tugon, iniulat ng unyon ang hakbang ng pamunuan sa NCMB.

Noong Abril 20 upisyal na tinapos ng mga manggagawa at unyon ang kanilang welga na sinimulan noon Abril 14. Kasunod ito ng nakuha nilang katiyakan sa pamunuan na ipatutupad ang dagdag sahod at ibigay ang benepisyo na matagal nang dapat ibinigay. Napagkasunduan ang umentong ₱20/araw sa sahod at pagbibigay ng maneydsment ng utang nitong service charge na ₱570,000 sa mga manggagawa.

Nagtagumpay ang welga dahil sa katatagan ng mga manggagawa at unyon, at sa lawak ng suporta mula sa kapwa manggagawa, estudyante’t propesyunal at mga grupo. Mayroon ding inabot ang panawagang iboykot ang mga produkto ng Kowloon. Lubos ang pasasalamat ng unyon sa lahat ng mga sumuporta sa kanila.

AB: Maramihang tanggalan sa Kowloon, kinundena ng mga manggagawa, unyon