Marcos Jr, napahiya, nagkalat ng kasinungalingan sa Australia

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Napahiya si Ferdinand Marcos Jr sa isang interbyu ni Sarah Ferguson, isang batikang mamamahayag sa Australia, noong Marso 4. Sa naturang interbyu, tinanong siya ni Ferguson kaugnay sa pandarambong ng kanyang pamilya at laganap na paglabag sa mga karapatang-tao sa panahon ng kanyang diktador na ama.

Tinangkang maliitin ni Marcos ang tanong sa pamamagitan ng pagtawa. Dahil dito, tinanong siya ni Ferguson kung “ano ang nakakatawa” sa tanong. Bilang sagot, binaluktot ni Marcos Jr ng kasaysayan sa pagsabing hindi totoo ang mga kaso ng pandarambong laban sa kanilang pamilya, na wala silang dinala nang napalayas sila sa Malacañang noong 1986, at na marami sa mga kasong laban sa kanyang pamilya ay naibasura na.

“Sa Pilipinas, nagagawa ni Marcos Jr na iwasan ang matatalim na tanong kaugnay sa malalalang paglabag sa karapatang-tao at pandarambong sa kaban ng bayan sa ilalim ng brutal na batas militar ng kanyang ama. Ginagamit niya ang kanyang mga utusan sa NTF-Elcac para i-Red-tag, i-terrorist-tag, pagbantaan, iharas at takutin ang kanyang mga kritiko, o di kayay pinapatay, dinidesaparesido o ipinaiilalim niya sa iligal na pag-aresto at detensyon ang mga ito,” reaksyon ng grupong Karapatan sa naturang interbyu.

Madali lamang pabulaanan ang mga pambabaluktot ni Marcos Jr gamit ang pampublikong dokumento. Kabilang sa mga ito ang mga ulat kaugnay sa tinangay ng kanyang pamilya nang lumipad sila tungong Hawaii sa gitna ng pag-aalsang EDSA. Kabilang dito ang 22 kahon ng cash na nagkakahalaga ng ₱27 milyon, 24 piraso ng ginto, 400 piraso ng alahas, at marami pang iba. Kalakhan ng mga ito ay nabawi na ng estado ng Pilipinas.

“Habang totoong may natalong mga kaso dahil sa kainutilan at korapsyon ng PCGG (Philippine Commission on Good Governance, ang ahensyang binuo para bawiin ang mga ninakaw ng mga Marcos), may mga naipanalo na itong mga kaso (na bumawi) ng pera at ari-arian na nagkakahalaga ng ₱256 bilyon,” ayon sa Karapatan. Mayroon pang mga kasong nakasampa para mabawi ang mga nakaw na yamang nagkakahalaga ng $6 bilyon.

Ayon sa grupo, mahihinuha sa naturang panayam na bigo ang pamilyang Marcos na burahin ang mga bakas ng tiraniko at mapandambong na paghahari ng kanyang ama sa internasyunal na komunidad.

AB: Marcos Jr, napahiya, nagkalat ng kasinungalingan sa Australia