Martsa kontra dam, inilunsad sa Laguna

,

Nagmartsa ang mga residente ng Pakil, Laguna sa sentro ng bayan noong Hulyo 1 para ipabatid ang kanilang pagtutol sa mga proyektong Ahunan at Belisama Hydropower sa kanilang bayan. Itatayo ang Ahunan Dam sa Bundok Ping-as, na matatagpuan sa naturang bayan. Ang pagkilos ay kasunod ng porum at konsultasyon sa parehong araw na pinangunahan ng Mamamayang Nagmamahal sa Pakil (Manapak).

Nagtipon ang mga residente, taong-simbahan at mga grupong maka-kalikasan para buuin ang kanilang pagkakaisa laban sa mga proyektong dam. Kaisa ng Manapak ang Laguna Ecumenical Movement, Diocese of San Pablo at Caritas Manila, Tanglaw Laguna, Iglesia Filipina Independiente, Concerned Artists of the Philippines, Gabriela, Commission on Human Rights, National commision for Culture and Arts, at Center for Environmental Concerns, ayon kay Teresa Saldaña Sanchez, isa sa mga lider ng Manapak.

Inilunsad nila ang porum sa Saint Peter of Alcantara Parish Church sa bayan ng Pakil. Isinalaysay ng mga residente sa pagtitipon ang mga epekto sa kalikasan, kabuhayan at kultura ng mga taga-Pakil ng itinatayong Ahunan at Belisama Hydropower Project. “Ngayon ay panahon para tumutol at magkaisa na pigilan ang pagtatayo ng dambuhalang Ahunan at Belisama dams at proteksiyunan ang kabundukan ng Sierra Madre,” ayon kay Sanchez.

Aniya, kailangang maagapan ang nakaambang panganib sa buhay sa potensyal na pagguho ng lupa at pagbaha. Dapat din umanong maproteksyunan ang banta ng pagkasira ng kalikasan, paglihis o pagkatuyo ng mga bukal ng tubig, at mapangalagaan ang mga halaman at hayop sa naturang bundok. Dagdag pa ni Sanchez, liban sa pangangalaga sa kalikasan ay dapat ipagtanggol ang karapatang-tao at karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno.

Sa ulat ng alternatibong midya, ipinahayag din ni Engr. Vernon Edward Valero, residente ng Pakil, ang magiging malaking banta ng proyekto sa mga residenteng naninirahan sa paanan ng bundok at buong bayan. Paliwanag pa niya, mataas ang banta ng pagguho ng lupa sa bayan ng Pakil batay sa naunang mga pag-aaral ng gubyerno.

Ang naturang proyekto ay pinangangasiwaan ng Ahunan Power Inc, isang joint venture ng kumpanyang Prime Metro Power Holdings Corp ni Enrique Razon at ng JBD Water Power Inc. Ang proyekto ay isang 1,400-megawatt pumped-storage hydropower at may kabuuang kargang 13.6 million cubic meters ng tubig.

AB: Martsa kontra dam, inilunsad sa Laguna