Martsa-libing para kay Eric Saber, isinagawa; hustisya, ipinanawagan
Hustisya ang panawagan ng mga kaanak at mga progresibong grupo sa isinagawang martsa-libing para kay Eric Saber patungo sa Manila North Cemetery noong Oktubre 2. Si Saber, isang manggagawa sa konstruksyon, ay namatay noong Setyembre 23 matapos matamaan ng bala ng baril ng mga pwersa ng estado na walang patumanggang nagpaputok laban sa nagpuprotestang kabataan sa Mendiola at Recto noong Setyembre 21.
Ayon sa mga ulat, si Saber ay galing sa kanyang trabaho mula sa Pasay City, bumaba sa Recto Station at habang papatawid para sumakay ng dyip ay tinamaan ng bala mula sa likod. Biktima siya ng brutalidad at karahasan ng mga pulis sa mamamayan noong araw ng protesta kontra korapsyon.
Nakibahagi sa martsa ng mga kaanak at kaibigan ni Saber ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), Karapatan at iba pang mga grupo. “Ang pagkamatay po ni Eric sa kamay ng pulis ay patunay na walang sinasanto ang gobyerno sa kanilang papatayin, walang pinipili sa kanilang pagnanakawan,” ayon kay Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay.
“Sa pamilya ni Eric, hindi kayo nag-iisa. Kasama niyo ang mga manggagawang Pilipino, at ang lahat ng mamamayang biktima ng kahirapan at korapsyon sa pagkakamit ng hustisya para kay Eric at sa lahat ng biktima ng police brutality,” pahayag ng KMU.
Noong Setyembre 29, nagprotesta rin ang KMU sa harap ng Camp Crame para singilin at panagutin ang Philippine National Police (PNP) sa krimen ng pagpaslang kay Saber. “Mga kababayan, huwag nating hayaang baluktutin ng PNP, DILG, gobyernong Marcos ang naratibo. Sila ang pumatay kay Eric. Sila ang dapat managot,” ayon sa grupo.
Ipinanawagan rin ng KMU ang hustisya para kay Jude Fernandez, beteranong lider manggagawa na pinatay ng rehimeng Marcos, sa protesta sa Camp Crame. Si Fernandez ay pinatay ng mga pwersa ng estado noong Setyembre 29, 2023 sa kanyang tinutuluyang bahay sa Rizal.