Matinding galit, naramdaman ng mga pamilya ng biktima sa mga pahayag ni Duterte sa Kongreso
“Kung pinayagan lang (ako), sinabunutan ko na siya,” ito ang pahayag ni Llore Pasco, ina ng dalawang biktima ng huwad na gera kontra-droga ni Rodrigo Duterte nang makita niya ang dating pangulo pagpasok sa Kongreso kahapon, Nobyembre 13. Dumalo si Duterte sa pagdinig ng Quad Committee ng Kongreso kung saan nakasalang ang mga ekstra-hudisyal na pamamaslang ng kanyang rehimen.
“Kagalit-galit ang mga inamin niyang pagpatay, na para bang mga hayop lang ang mga pinatay niya,” pahayag ni Pasco sa isang press conference na isinagawa ng mga progresibong kongresista, partido at mga abugado noong Nobyembre 14.
“Hindi kami komportable na makita siya, makasama, makatabi sa isang mesa,” ayon naman kay Jane Lee, asawa ng isa pang biktima. Galit na galit siya sa kaswal na pahayag ni Duterte ng pagpatay sa aniya’y mga “kriminal” at walang pagsisisi sa kanyang mga ginawa.
“Hindi kriminal ang asawa ko, pero pinatay siya. Wala na ngang due process, pagbibintangan pang kriminal. Hindi ito deserve ng aming mga anak,” aniya. Binatikos rin ni Lee ang mga kasama ni Duterte na nagtatawanan pa sa tuwing may nasasabi ang dating pangulo na hindi maganda.
Sa mahaba at napakahirap na paglaban ng mga pamilya ng mga biktima para sa hustisya, hindi nila inasahang magkakaroon ng imbestigasyon sa Kongreso. Tanong ni Lee, ngayong may imbestigasyon na at marami nang sumusuporta sa mga pamilya ng mga biktima, bakit nananahimik ang Pangulo (Marcos)? “Bakit napakatagal, napakabagal para suportahan kami?”
Sa mahabang pagdinig, ilang ulit na inamin ni Duterte ang kanyang “ligal at moral” na pananagutan sa gera kontra-droga, pero tumanggi siyang umamin o nagpalusot sa mga partikular na kaso at magbigay ng mga detalye sa mga insidente kung saan umamin siyang mayroon siyang pinatay.
“Pinaikot niya tayo sa mga salitang ligal, para tanggalin ang pananagutan niya sa mga partikular na kaso,” ayon kay Liza Maza, dating kinatawan ng Gabriela Women’s Party at kandidato pagkasenador ng Makabayan. Pero malinaw sa mga pahayag ni Duterte, aniya, na ang pagpatay sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga ay isang patakaran ng estado.
Sang-ayon naman si Cristina Palabay ng Karapatan sa naunang husga ng dating senador Leila de Lima na duwag si Duterte. “Nagdadalawang-salita siya para manlinlang,” aniya. “Panawagan namin sa Quad Committee na huwag palusutin si Duterte sa paggamit niya ng pondo ng bayan,” aniya.
Inamin ni Duterte na nagbibigay siya ng pondo sa mga pulis tuwing may operasyon ang mga ito at ang natitira o di nagagastos ay “ibinibigay” niya sa mga ito. Idiniin niya ang pagsisiyasat sa paggamit ni Duterte sa napakalaki niya noong confidential and intelligence funds.
Hinimok din ni Palabay ang Quad Committee na imbestigahan ang iba pang ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga unyonista at tagapagtanggol ng karapatang-tao dahil ang mga pulis at upisyal na sangkot sa gera kontra-droga ay sila ring sangkot sa mga ito. “Follow the money,” paghimok ni Palabay, dahil tiyak na ibubukas nito ang buong responsibilidad ni Duterte sa napakaraming krimen ng pagpatay.
Magagamit sa International Crimnal Court (ICC) ang mga pag-amin ni Duterte sa Quad Committee, ayon kay Atty. Neri Colmenares ng Bayan Muna Partylist. Kabilang dito ang pag-amin niya na may kaalaman siya sa malawakang sistematikong pang-aatake sa mamamayan sa ilalim ng gera kontra-droga. Higit dito, inamin niyang siya ang nagtayo, nagpatakbo at nagpondo sa death squad sa Davao noong alkalde pa siya rito.
Dahil sa pagtatanong ng mambabatas, lalong idiin ni Duterte ang sarili niya, ayon kay Teddy Casiño, chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan at isa ring kandidato pagkasenador ng Makabayan. Panawagan niya sa Quad Committee na ituloy ang pagdinig at siyasatin ang perang ginamit ni Duterte para pondohan ang gera kontra-droga.
Dagdag ni Casiño, dapat itulak ng Quad na pumirma si Duterte ng waiver para siyasatin ang kanyang mga akawnt sa bangko, tulad ng iginiit ng dating senador Antonio Trillanes. Ayon kay Trillanes, dito inilalagak ni Duterte ang suhol na ibinigay sa kanya ng pinaboran niyang malalaking drug lord.
Sapat na ang ebidensya para kasuhan si Duterte, ani Casiño, at dapat sampahan na siya ng kaso. “Tungkulin na ng gubyernong Marcos na buuin ang kaso laban kay Duterte.”
Nasa press conference rin si Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Partylist, dating Rep. Sarah Elago at iba pang pamilya ng mga biktima. Sa araw ng pagdinig, nagsagawa ang mga demokratikong grupo, kasama ang mga pamilya ng biktma, ng pagkilos sa harap ng Kongreso para ipanawagan ang pagsakdal at pagkulong sa kriminal na si Duterte.