Mga anak ng namartir na rebolusyonaryo sa Sorsogon, iligal na inaresto

Matapos ang ilang taong panggigipit sa pamilya Hubilla, hindi makatarungang inaresto ng mga pulis ang magkapatid na sina Ramises at William noong ikalawang linggo ng Pebrero sa Sorsogon. Sinampahan sila ng mga gawa-gawang kasong pagpatay, tangkang pagpatay at bigong pagpatay.

Si Ramises, 37 taong gulang, ay inaresto ng mga pulis sa Barangay North Poblacion, Juban noong Pebrero 8. Sinampahan siya ng dalawang kaso ng tangkang pagpatay at limang kaso ng pagpatay. Ang kanyang kapatid na si William, 33 taong gulang, ay inaresto sa Barangay Central, Casiguran noong Pebrero 9. Pitong kaso ng bigong pagpatay at isang kaso ng pagpatay ang isinampa laban sa kanya.

Ang dalawa ay anak ni Andres Hubilla (Ka Magno), namartir na lider ng komite ng Partido sa Sorsogon. Si Ka Magno, kasama ng isang Pulang mandirigma at dalawang sibilyan, ay sadyang pinatay ng mga sundalo at pulis noong Hulyo 2017 sa Barangay Trece Martirez, Casiguran.

Ang mga mandamyento de aresto na ginamit sa magkapatid ay inilabas ni Hon. Bernardo R. Jimenez ng Regional Trial Court Branch 54 ng Gubat, Sorsogon.

Ayon sa mga ulat, si Ramises ay nauna nang “sumuko” matapos gipitin ng militar noong Abril 2018 sa kampo ng 31st IB sa Barangay Rangas, Juban. Ngunit matapos nito, at ng ipingako ng mga sundalo na “kapayapaan,” patung-patong na mga kaso ang isinampa laban sa kanya.

Katulad ang insidenteng ito ng pagpapasuko noong 2018 kay Michael Bagasala at kalaunan ay pagpatay sa kanya ng mga pwersang militar at pulis noong Enero 24, 2021 sa Barangay San Antonio, Barcelona, Sorsogon. Si Bagasala ay anak ng aktibistang lider-masang si Nelly Bagasala na pinaslang din ng mga elemento ng estado noong Hunyo 2019. Malaon nang pinag-iinitan ng mga pasista ang kanilang pamilya.

Ganito rin ang sinapit ng magsasakang si Danilo Fombuena Hapa nang arestuhin siya ng pulis sa mga kasong illegal possesion, manufacture, acquisition of firearms, and explosives noong Mayo 2022 sa Sityo Parad, Barangay Fabrica, Barcelona. Bago nito, “sumuko” at nagpa-clear na ng pangalan si Hapa noong 2020 kasama ang higit 50 residente ng Barangay Fabrica sa 31st IB matapos paulit-ulit na gipitin.

AB: Mga anak ng namartir na rebolusyonaryo sa Sorsogon, iligal na inaresto