Balita

Mga aset militar, tinarget ng BHB-Northern Negros

Dalawang armadong aksyon ang isinagawa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) laban sa mga aset militar sa Negros Occidental noong Setyembre 3-4. Imbwelto ang mga aset na ito sa dalawang kaso ng reyd sa mga yunit ng hukbong bayan na nagresulta sa pagkamartir ng mga Pulang mandirigma.

Noong Setyembre 3, inambus ang aset ng 79th IB na si Pablo Brillantes sa Hacienda Cabayao, Barangay San Pablo, Manapla. Nasamsam sa kanya ang isang .45 armas, mga bala at magasin at isang radyo.

Nanguna si Brillantes sa pagpapareyd sa kinaroroonan ng apat na mga Pulang mandirigma sa Hacienda Builders, Barangay San Pablo, Manapla noong Setyembre 30, 2021. Namatay sa reyd sina Marilyn Badayos (Ka Monet), Rudy Carbajosa (Ka Brod), Ronilo Desabille (Ka Wowie), at Rufino Bocaval (Ka Simo).

Pinalibutan at nireyd ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar ang tinutuluyan ng mga mandirigma sa ganap na alas-2 ng madaling araw habang sila’y natutulog. Nakatigil ang apat sa naturang bahay para magpagaling sa sakit na trangkaso.

Noong Setyembre 4, inambus ng isa pang yunit ng BHB-Northern Negros ang aset militar na si Johnny Boy dela Fuente sa Sityo Vergara, Barangay Bug-ang, Toboso. Ginagamit ng militar si dela Fuente para gipitin at dahasin ang mga residente at magsasaka sa inuuwian niyang komunidad sa Sityo Magtuod. Responsable rin siya sa pagpapareyd sa isang yunit ng BHB doon noong 2008.

Ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng yunit, buong pag-iingat na isinagawa ng mga Pulang mandirigma ng BHB ang mga armadong aksyon para walang madamay na sibilyan. Ipinunto rin ni Estrella na ang mga armadong aksyong ito ng BHB sa Negros ay inilunsad matapos ang hungkag na pahayag ng 3rd ID na nabuwag na nito ang mga larangang gerilya sa isla.

“Higit na determinado ang BHB-Northern Negros na paigtingin ang armadong pakikibaka at gagawin nito ang lahat ng makakaya para aktibong makapag-ambag sa pangkabuuang pagsulong ng digmang bayan,” ayon kay Ka Cecil.

AB: Mga aset militar, tinarget ng BHB-Northern Negros