Balita

Mga biktima ng human trafficking sa Cambodia, nananawagan ng hustisya

Naglunsad ng press conference noong Abril 21 ang Migrante International at kaanak ng 10 migrante na biktima ng human trafficking sa Cambodia. Ayon sa kaanak ng mga biktima, pinangakuan ang kanilang mga anak ng trabaho sa Cambodia bilang customer service representative (CSR) na may sahod na $700 kada buwan. Pero pagdating nila sa Cambodia, ipinasok sila sa trabaho na nagpapalaganap ng mga scam, na ang target ay mga Pilipino sa US.

Anila, nakaranas ng matinding tortyur ang kanilang mga biktima, kabilang detensyon nang walang pagkain at pananakit kung hindi sila sumunod sa utos ng mga amo.

Nang malaman ng mga amo nila na nanghingi sila ng saklolo sa embahada ng Pilipinas sa Cambodia ay kinumpiska ng mga ito ang kanilang mga gamit at sinaktan ang ilan sa kanila. Imbis na madala sa bahay-kanlungan, dinala sila ng kapulisan at ibinimbin nang walang akses sa tubig, pagkain o palikuran nang ilang linggo.

Sa kabila ng pagsaklolo sa mga migrante ng embahada at pagtulong para sila ay makauwi sa Pilipinas, hindi pa rin naiuulat ang kanilang sinapit bilang kaso ng human trafficking. Nananawagan naman sila ng hustisya para sa kanilang mga kamag-anak.

Nito lamang Abril 20 nakauwi ang mga migrante ngunit hindi pa sila nakakausap ng kanilang mga pamilya.

AB: Mga biktima ng human trafficking sa Cambodia, nananawagan ng hustisya