Mga biktima ng karahasan ng pulis sa Mendiola noong Setyembre 21, nagbuklod
Nagtipon sa University of the Philippines (UP) Diliman noong Oktubre 12 ang mga biktima ng karahasan ng mga pulis sa protestang Setyembre 21 sa Mendiola na kilala rin bilang Mendiola 277. Kasama ang kanilang mga kaanak, mga abugado at grupo sa karapatang-tao, binuo nila ang Alyansa laban sa Korapsyon at Brutalidad ng Pulis o AKAB para kamtin ang hustisya.
Hindi bababa sa 277 na mga indibidwal, kabilang ang 91 menor-de-edad, ang inaresto ng mga pulis at ilang araw na iligal na idinetine. Bakas sa mga inaresto ang mga marka ng tortyur at pisikal na pananakit tulad ng pasa, bali-baling buto, mga tama sa ulo, at troma.
Dumanas sila ng karagdagang kalupitan sa kamay ng mga pulis sa pinatagal na detensyon. Ang ilan sa kanila ay mga estudyante, manininda, delivery rider, manggagawa sa konstruksyon, nakatambay lamang at may kapansanan.
Isang manggagawa ang napatay ng pulis sa Recto Avenue, Maynila. Samantala, isang menor-de-edad ang napatay sa pananaksak ng isang sibilyan sa gitna ng gitgitan.
Ang isinagawang pagtitipon ng Mendiola 277 ay tila naging isang reunion para sa mga biktima. Nagbigay ng pagkain at suporta ang iba’t ibang mga grupo at unyon ng mga manggagawa para sa aktibidad.
“Parang isang malaking pamilya ang nagkamustahan, nagyakapan at nagkaisa na manindigan para sa hustisya at laban sa korapsyon at pasismo ng estado,” ayon kay Atty. Taule, ikalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan at nagsilbing abugado ng ilan sa mga inaresto.
Nagpasalamat ang Mendiola 277 sa lahat ng mga tumulong at sumuporta sa kanila para mapalaya mula sa detensyon. Marami ang nag-ambag-ambag para mabuno ang kinakailangang pyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mga detenido na humarap sa patung-patong na walang batayang mga kaso.
Ayon sa Karapatan, nananatiling mayroon pang mga nakakulong mula sa Mendiola 277 habang ang iba ay mayroong mga iniinda pang mga sakit dahil sa pambubugbog at pananakit ng pulis. Ang iba naman ay nasisante sa trabaho at nawalan ng kabuhayan dahil sa ilang araw na detensyon.
Dagdag ng grupo, lalong nakakaramdam ng inhustisya ang mga biktima dahil wala pang kahit isang tiwaling upisyal ng gubyerno at mga kontratista ang nakukulong o napapanagot sa pagkulimbat sa pera ng bayan.
“Hindi pa po tapos ang laban, ngunit ngayon ay magkakasama at organisado natin itong haharapin. Tuloy ang laban!” ayon kay Taule.
Nananawagan ang AKAB ng tuloy-tuloy na suporta mula sa publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon, tulong pinansyal at tulong ligal para sa mga biktima. Ayon sa alyansa, ipagpatuloy nito ang laban para sa hustisya at pananagutan ng mga abusadong pulis at tiwaling upisyal ng gubyerno.