Balita

Mga Bulakenyo sa 6 na bayan, naglunsad ng mga protesta kontra korapsyon

Inilunsad ng mga Bulakenyo sa kani-kanilang mga bayan ang serye ng mga protesta sa nagdaang mga linggo para kundenahin ang nalalantad na mga katiwalian sa gubyerno kaugnay sa mga proyektong flood control. Pinakahuli sa mga ito ang martsa sa tatlong bayan noong Setyembre 27.

Sa bayan ng Paombong, puu-puong mga kabataan at residente ang nagmartsa para ipakita ang kanilang pagkakaisa kontra sa katiwalian. Pinangunahan ang pagkilos ng grupong Tindig Paombong.

“Hindi kami papayag na gawing tahimik na saksi ang Paombong sa garapalan at sistematikong korapsyon. Ang ghost flood control projects ay hindi lamang panlilinlang sa aming bayan—ito ay insulto sa buong Bulacan at sambayanang Pilipino,” pahayag ng grupo.

Hinamon ng Tindig Paombong ang mga lokal na upisyal ng Bulacan na humarap sa publiko at sagutin ang pagkakasangkot sa katiwalian. “Panagutin ang lahat ng magnanakaw, ibalik ang pera sa taumbayan, at waksan ang kultuara ng kasinungalingan at pandarambong,” panawagan nito.

Isang martsa rin ang pinangunahan ng Tindig Guiguinto sa bayan nito sa araw na iyon. Nagtapos ang martsa sa munisipyo ng bayan kung saan naglunsad sila ng isang programa. Samantala, isang programa rin ang inilunsad ng mga kabataan sa bayan ng Bustos.

Isang linggo bago nito, tinatayang 1,500 residente ng Calumpit ang lumahok sa martsa sa MacArthur Highway sa Barangay Poblacion noong Setyembre 21. Isang pagkilos rin ang isinagawa sa araw na iyon sa bayan ng Malolos.

Noong Setyembre 20, nagmartsa sa gitna ng baha ang daan-daang residente sa Hagonoy upang makiisa sa protestang “Tindig, Hagonoy.”

Ang prubinsya ng Bulacan ang naitalang may pinakamalaking badyet na natanggap para sa mga proyekto sa flood control mula Hulyo 2022 hanggang Mayo ngayong taon. Tinatayang ₱28.56 bilyon ang inilaan ng rehimeng Marcos para sa mga proyektong ito. Nasa 688 mga proyekto ang nakatakda para sa prubinsya.

Sa buong bansa, umabot sa kabuuang ₱680.2 bilyon ang inilaan ng gubyerno mula 2022 para sa mga proyekto sa flood control.

AB: Mga Bulakenyo sa 6 na bayan, naglunsad ng mga protesta kontra korapsyon