Mga drayber ng GRAB at dalawa pang TNC, nagprotesta sa harap ng LTFRB
Nagprotesta sa harap ng LTFRB sa Quezon City noong Pebrero 17 ang mga drayber ng Grab at iba pang transport network company (TNC) para igiit sa ahensya na obligahin ang kanilang mga kumpanya na balikatin ang mga kaltas sa pamasahe na iginagawad sa mga estudyante at senior citizen. Pinangunahan ang pagkilos ng Malayang TNVS Movement.
Noon pang Disyembre nabunyag sa isang pagdinig sa Senado na ipinapasa ng GRAB at ibang TNC ang rekisitong kaltas sa pamasahe ng mga estudyante at seniors na gumagamit sa kanilang serbisyo. Alinsunod sa batas, kailangang bigyan ng 20% diskwento ang isang senior citizen, edad 60 pataas, ganundin ang mga estudyante at mga person with disabilities.

Sa halip na sagutin ang gayong diskwento ng mga kumpanyang Grab, Joyride at GET Express, ipinapapasan ang mahigit 60% nito sa mga drayber, na malaki-laki ring tapyas sa kanilang kita. Ipinapabalikat din ng Grab ang kalahati ng mga diskwento para sa mga estudyante at PWD sa mga drayber nito. Nagdahilan pa ang Grab na naayon lamang sa isang memo mula sa LTFRB ang pagpapasa nito ng dikswento dahil ang mga sasakyang nakapailalim sa Grab ay itinuturing na pampublikong transportasyon.
Sa kabilang banda, siyam na iba pang TNC ang nagsabing buong sinasagot ng kani-kanilang kumpanya ang mga diskwentong ito.
Noong Enero, nangako na ang LTFRB na maglalabas ng sirkular para obligahin ang Grab at iba pang TNC na sagutin ang naturang mga diskwento.
Panawagan ng mga dyarber na kagyat nang ilabas ang sirkular na ito, at ibalik sa kanila ang nawala nilang kita sa ilang buwang sila ang bumalikat sa mga diskwento.