Balita

Mga estudyante ng ADMU, nanindigan laban sa taas-matrikula

Tumindig laban sa panukalang taas-matrikula ang mga estudyante ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa isang pagtitipon noong Enero 23. Nagtaas ng mga plakard na may panawagan kontra taas-matrikula ang mga estudyante sa isang pulong na ipinatawag ng Office of the Vice President for Higher Education kaugnay ng naturang panukala.

Ang naturang pulong ay para umano kalapin ang palagay, makapagtanong, at magbahagi ng mga panawagan sa mga lokal na isyu sa pamantasan. Kabilang dito ang pagtapyas ng mahahalagang espasyo sa loob ng kampus at ang panukalang 6% na taas-matrikula (TOFI o Tuition and Other Fee Increase).

Kabilang sa mga dumalo sa pagkilos ang mga myembro ng League of Filipino Students (LFS)-Katipunan. Ayon sa grupo, huwad ang layunin ng porum na direktang tugunan ang hinaing at katanungan ng mga estduyante at iba pang myembro ng ADMU.

“Ang mga maiinit na isyung iniangat sa diskusyon ay sinalubong lamang ng pawang mga palusot at mababaw na paliwanag,” ayon sa LFS-Katipunan. Dagdag nito, walang binanggit ang mga upisyal ng ADMU na mga kongkretong hakbang para tugunan ang mga isyung inihapag ng mga estudyante.

Pinakatampok sa mga isyung ito ang panukalang 6% TOFI. Ayon sa LFS-Katipunan, ang taas-matrikula ay salamin ng komersyalisasyon ng edukasyon kung saan ang pag-aaral ay di abot ng mamamayan. “Ang mag-aaral ay ginagawang produkto ng sistemang neoliberal at nagiging alipin ng malalaking kumpanya at ng gubyerno,” ayon pa sa grupo.

Hindi kumbinsido ang grupo sa pagdadahilan na ang taas-matrikula ay para sa pagpapaunlad at pagdagdag ng mga gusali at imprastraktura sa loob ng pamantasan. “Sa likod nito ang tunay na ninanais ng mga estudyante tulad ng rehabilitasyon ng AISIS (Ateneo Integrated Student Information System, isang online portal) at murang pagkain sa loob ng paaralan ay hindi pinakikinggan ng ating administrasyon,” ayon sa LFS-Katipunan.

Hinimok ng grupo at iba pang progresibong grupo at partido sa kampus ang mga kapwa estudyante na tumindig laban sa panukalang taas-matrikula at ipaglaban ang kanilang demokratikong mga karapatan. “Marapat na magkaisang-lakas ang komunidad ng Ateneo De Manila University, lalong lalo na ang mga mag-aaral nito upang patuloy na patambulin ang mga isyung ating kinahaharap,” anito.

AB: Mga estudyante ng ADMU, nanindigan laban sa taas-matrikula