Mga grupo ng tsuper at opereytor sa Bacolod City, sumugod sa munisipyo ng syudad
Sumugod at nagsagawa ng sorpresa at tahimik na rali ang mga karaniwang tsuper at opereytor ng dyip sa Bacolod City sa Bacolod City Government Center noong Agosto 28. Sama-samang nagtungo sa munisipyo ang Undoc-Piston, Kabacod Negros Transport Organization (Knetco), at BACOD-Manibela para kumprontahin ang meyor ng syudad hinggil sa jeepney phaseout.
Mabilisang pinasok ng mga grupo ang bulwagan para igiit na harapin sila ni Mayor Albee Benitez. Matagal na nilang hinihingi sa meyor na makipag-dayalogo para pag-usapan ang Local Public Transport Route Plan (LPTRP), pero iniwasan sila nito. Ang LPTRP ay bahagi ng huwad na modernisasyon ng rehimeng Marcos.
Ayon sa mga grupo, dapat ibasura ang LPTRP sa syudad dahil pinapaburan nito ang 11 korporasyon na nagpapatakbo ng mga “modernong” dyip sa Bacolod City. Lubha umano itong nakapipinsala sa kabuhayan ng mga tradisyunal na dyip at karaniwang mga opereytor.
Dahil wala ang meyor sa bulwagan, iginiit ng mga grupo na makapagsalita sila sa regular na sesyon ng Sanggunian Panglungsod. Naihapag nila dito ang kanilang mga hinaing at panawagan.
Pagdidiin nila, dapat nang ibalik ang limang taon na indibidwal na prangkisa para makapaghanap-buhay sila. Binatikos naman ng pangkalahatang kalihim ng UNDOC Piston na si Eric Bindoy ang ₱3 bilyon badyet na inilaan ng rehimeng Marcos para sa anti-mahirap na Public Transport Modernization Program ng Department of Transportation para sa 2025.