2-araw na tigil-pasada, isinagawa ng Piston at Manibela bilang patuloy na pagtutol sa makadayuhang jeepney phaseout
Naging matagumpay ang dalawang araw na tigil-pasada noong Setyembre 23-24 ng mga tsuper at opereytor ng dyip, ayon sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela). Bahagi ang tigil-pasada ng kanilang nagpapatuloy na pagtutol sa makadayuhang Public Transport Modernization Program (PTMP) at paggigiit na ibalik ang indibidwal na prangkisa.
Ayon sa Piston, umabot sa 90% ang pagkaparalisa sa mga mayor na ruta sa Metro Manila sa dalawang magkasunod na araw. Itinayo ng mga samahan ng tsuper at opereytor ang 11 sentro ng welga at protesta sa naturang mga araw. Marami ang naiulat na naantala ang byahe dahil sa welga sa kabila ng pagsasabi ng rehimeng Marcos at mga upisyal nito sa transportasyon na walang epekto ang tigil-pasada.
Liban sa pambansang kabisera, nagkaroon rin ng tigil-pasada at protesta ang mga grupo sa Calabarzon, Baguio, Bicol, Negros, Panay at iba pang mga rehiyon. Nanawagan ang mga lokal na samahan sa kani-kanilang lokal na gubyerno at ahensya na ibasura ang mga local public transport plan (LPTRP) na lokal na bersyon ng PTMP.
Anang Piston, “bagaman binago ng gobyerno ang pangalan ng programa, matagal nang nagkakasa ng mga protesta at welga ang mga tsuper at operator laban sa PTMP at ang kasabay nitong pagpribatisa sa pampublikong transportasyon.”
Naninidigan ang mga tsuper at opereytor na papatayin nito ang kabuhayan ng maraming karaniwang Pilipino at babansutin pag-unlad ng lokal na pagmanupaktura ng tradisyunal na dyip dahil sa makadayuhang oryentasyon ng PTMP.
Bago ang tigil-pasada, kabi-kabilang mga pag-atake sa karapatang-tao ang naranasan ng mga lider at kasapi ng Piston at Manibela. Noong September 18, inaresto ang anim na lider ng mga drayber at opereytor sa Bacolod habang sila ay nagpoprotesta. Samantala, binura ang Facebook page ng Manibela noong Setyembre 22 na porma ng pagsensura.
“Sa mismong unang araw naman ng tigil-pasada ay matindi ang presensya ng kapulisan sa mga itinayong sentro ng tigil-pasdad at protesta,” ayon pa sa Piston. Sa harap ng mga pag-atake, ipinahayag ng dalawang grupo na nagsisilbi lamang dahilan ang mga ito para sa patuloy nilang singilin ang administrasyong Marcos.
Samanatala, muling nagtungo ang pangulo ng Piston at kandidatong pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na si Mody Floranda sa Korte Suprema noong Setyembre 22 para maghain ng Motion to Resolve sa Korte Suprema para kagyat nang tugunan ang petisyon nito noon pang Disyembre 2023 para sa Temporary Restraining Order laban sa PTMP.