Protesta ng mga drayber at opereytor ng dyip sa Bacolod City, marahas na binuwag; mga lider, inaresto
Binomba ng tubig ng mga bumbero at marahas na binuwag ng mga pulis at armadong pwersa ng rehimeng Marcos ang mga nagprotestang drayber at opereytor ng dyip sa Bacolod City ngayong araw, Setyembre 18. Nagpiket sila sa tapat ng isang hotel sa Lacson Street sa syudad kung saan inilunsad ng mga ahensya ng gubyerno ang Public Transport Modernization Program (PTMP) Summit.
Inaresto ang ilang lider ng Undoc-Piston, KNETCO-Piston, at Bacod-Manibela. Kabilang dito sina Lilian Sembrano, Rudy Catedral, Eric Bendoy, Shallemar Leutner, Melchor Omangyon, at Rodolfo Gardoce.
Karahasan at pag-aresto ang iniharap sa kanila ng mga pulis sa kabila ng panawagan ng mga grupo na makapasok at pakinggan ang kanilang hinaing sa transport summit. Nagpunta sa naturang summit ang mga upisyal ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), at Office of Transportation Cooperatives (OTC). Dumalo rin dito si Bacolod City Mayor Albee Benitez.
Kinundena ng pambansang upisina ng Piston ang pag-aresto at karahasan laban sa mga drayber at opereytor. “Patunay lang ito na bingi ang rehimeng Marcos Jr at gagamit pa ng pambubusal at panggigipit kaysa pakinggan ang hinaing ng karaniwang tsuper at opereytor,” pahayag ng grupo.
Nanawagan ang grupo sa lahat ng masang tsuper at opereytor na igiit ang kagyat na pagpapalaya sa Bacolod 6 sa lahat ng militanteng paraan.
“Paghandaan natin ang pagkilos sa lansangan upang ipaglaban ang pagpapalaya sa ating mga kasamahan at ang ating mga karapatan,” anang Piston. Dinala ang mga inarestong lider sa istasyon ng pulis sa Bacolod City.
Ang lantarang panunupil sa mga grupo sa transportasyon sa Bacolod City at Region VI ay kasunod rin ng kamakailang tagumpay na nakamit ng kanilang tuluy-tuloy na pagkilos. Matatandaang noong huling Agosto ay natulak nila ang Sangguniang Panglunsod na maglabas ng isang resolusyon na sumusuporta sa suspensyon sa makadayuhang PTMP.