Balita

Mga grupong maka-kapayapaan, nagtipon sa unang taong anibersaryo ng GRP-NDFP Oslo Joint Declaration

,

Nagsagawa ng isang kumperensyang pang-Luzon ang mga grupo at indibidwal sa pangunguna ng Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) noong Nobyembre 21 sa Philippine Christian University sa Maynila. Ginunita sa pagtitipon ang isang taong anibersaryo ng Oslo Joint Statement ng Gubyerno ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of Philippines (NDFP) na nilagdaan noong Nobyemre 23, 2023. Inilunsad ang aktibidad sa pakikipagtulunga sa Citizens Alliance for Just Peace, na binubuo ng Philippine Ecumenical Peace Platform, Pilgrims for Peace at Waging Peace. Layunin ng pagtitipon, na pinangalanang “PISTOKS: People’s Initiative and Solidarity Towards Kapayapaan,” ang pagsusulong ng karapatang-tao, katarungan at kalayaan.

“Patuloy kaming umaasa sa pangunahing mga punto ng Joint Statement kaugnay sa kaseryosohan ng dalawang Partido na tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian, at …makamit ang pinal na kasunduan sa kapayapaan sa pamamagitan ng negosasyon,” pahayag ng grupo.

Mula sa kaisahang ito, umaasa ang CLPI na “magkaisa sa isang balangkas (ang dalawang Partido) para simulan muli ang mga negosasyon” at “malampasan ang natitirang mga balakid.”

Sa parehong panahon, nag-aalala sila sa na may “ilang bahagi ng GRP” na naniniwalang ang pinatinding operasyon laban sa insurhensya at mga proyektong “kaunlaran” sa mga barangay, kasabay ang programa ng pekeng pagpapasuko, ay sapat para wakasan ang armadong tunggalian.

“Sa halip, ang ganitong mga operasyon, proyekto, at programa ay nagreresulta sa higit pang paglabag sa karapatang-tao, agresyon sa kabuhayan, katiwalian, at pagtaas ng hidwaan sa lipunan sa mga kanayunan at kalunsuran,” ayon sa grupo. Ang tinutukoy rito ang Barangay Development Program ng NTF-Elcac, at E-CLIP ng Armed Forces of the Philippines. Magkatuwang ang AFP at NTF-Elcac sa pasistang pananalasa sa daan-daang baryo sa kanayunan, kahit sa gitna ng mga kalamidad.

Batid ng grupo na ang panlipunang ligalig, kasama na ang armadong paglaban, ay di maikakailang bunga ng di pagkakapantay-pantay, kawalan ng panlipunang hustisya at hindi gumaganang demokrasya. Panawagan nila sa parehong Partido na “doblehin ang mga pagsisikap at pabilsiin ang proseso ng muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.” Nanawagan sila para sa mga hakbang para mabuo ang tiwala at kumpyansa sa pagitan ng dalawang Partido para masimulan ang proseso.

“Nababahala kami sa kamakailang mga pag-aresto sa tatlong NDFP consultant na saklaw ng mga garantiya sa kaligtasan at immunity na kinakailangan at susi para makabalik ang dalawang Partido sa negosasyon,” pahayag pa ng grupo. Panawagan nilang kagyat na palayin ang tatlo at iba pang mga konsultant na inaresto at ikinulong mula nang itigil ng rehimeng Duterte ang usapang pangkapayapaan noong 2017.

“Nababahala rin kami sa mga kamakailang insidente ng sapilitang pagkawala ng mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang pantao at kalikasan,” anito. “Ito ay salungat sa kapayapaan.” Iminungkahi ng grupo ang pagtigil ng mga operasyong militar laluna sa gitna ng mga sakuna.

AB: Mga grupong maka-kapayapaan, nagtipon sa unang taong anibersaryo ng GRP-NDFP Oslo Joint Declaration