Balita

Mga intel aset ng 15th IB, sumuko sa BHB-Southwest Negros

Sumuko sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) ang ilang intel aset ng 15th IB sa bayan ng Cauayan, Negros Occidental ngayong buwan. Inamin ng mga intel aset ang atas at tungkulin na ibinigay sa kanila ng 15th IB nang sumuko sa yunit ng hukbong bayan.

Ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwest Negros, tinanggap ng hukbong bayan ang pagsuko sa kanila at pagtiwalag ng mga intel aset sa tungkuling paniktik na inatas sa kanila ng militar. Paliwanag ng tagapagsalita, tinanggap ito ng yunit sa batayang wala pang pinsala at utang na dugo sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ang naturang mga aset.

Sinasabing dahilan ng pagsuko ng mga intel aset ng 15th IB ang sunud-sunod na mga armadong aksyon na isinagawa ng BHB-Southwest Negros sa nagadaang mga buwan. Sa ilang mga pagkakataon, naging target ng mga pag-atakeng ito ang mga intel aset na lumahok sa operasyong kombat at nagresulta sa malalaking krimen laban sa mamamayan.

Kabilang sa pinakahuling mga pag-atake ng BHB-Southwest Negros sa mga intel aset ang pagkapaslang kay Garde Francisco sa Sityo Lumbia, Barangay Kamansi, Kabankalan City, Negros Occidental noong Oktubre 3 ng gabi. Imbwelto si Fransisco sa tatlong malalaking kaso ng pagpaslang ng mga pwersa ng estado sa mga sibilyan at rebolusyonaryong lider tulad ni NDFP Consultant Ericson Acosta.

“Bukas ang pintuan ng kilusan sa mga boluntaryong susuko na mga intel na wala pang kasalanan,” ayon kay Ka Andrea. Pahagay niya, makatitiyak ang mga susuko na walang mangyayaring masama sa kanila at mananatiling ligtas tulad na lamang nang naunang mga sumuko.

Aniya, kikilalanin ng hukbong bayan ang mga nais sumuko at ikatutuwa pa ito ng rebolusyonaryong kilusan. Pagpapatunay ito na napagtanto nila ang kalupitan at pagiging terorista ng 15th IB, ng buong Armed Forces of the Philippines at National Task Force-Elcac sa mga sibilyang komunidad.

Dagdag ni Ka Andrea, wala naman talagang pakialam ang AFP, and NTF-Elcac at rehimeng Marcos sa mga ginagawa nitong mga intel aset na ito. “Hindi na nga sila inaangkin, at pinasasahod lang ng pera o panandaliang kalayaan. Hindi nito matutugunan ang pinakabatayang problema ng mamamayan sa kahirapan at kawalan ng lupa at trabaho,” aniya.

AB: Mga intel aset ng 15th IB, sumuko sa BHB-Southwest Negros