Mga kababaihan, tumindig kontra korapsyon at pasismo ng estado
Nagprotesta ang mga kababaihan sa pangunguna ng Gabriela noong Nobyembre 25 sa Mendiola sa Maynila bilang paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women (IDEVAW). Unang aktibidad din ito para sa kampanyang One Billion Rising Philippines (OBR PH) na may temang “Kababaihan ng Mundo, Tumindig laban sa Korapsyon at Pasismo!”.
Sa protesta, umindak ang mga kababaihan mula sa maralitang komunidad, mga organisasyon ng magsasaka, manggagawa at kabataan, at mga biktima ng karahasan bilang bahagi ng kampanyang OBR.
Naglunsad din ng protesta para sa IDEVAW ang Gabriela -Southern Mindanao sa Davao City at Gabriela Southern Tagalog sa Crossing, Calamba, Laguna
Ayon sa Gabriela, magkakaugnay ang korapsyon at ang araw-araw na nararanasang karahasan ng kababaihan. Makikita ito sa hindi sapat na serbisyong pangkalusugan para sa mga buntis, kawalan ng akses sa serbisyong panlipunan, malawakang kawalang ng trabaho at kawalang ng programang pangkabuhayan at lumulobong budget ng militar na ginagamit upang takutin ang mga komunidad na lumalaban sa pang-aapi.
“Tinatapatan ng estado ng karaharas ang makatwirang galit ng samabayanan. Marahas na inaaresto ang mga nagpoprotesta, sinasailalim sa militarisasyon ang mga komunidad at ni-red-tag at sinasampahan ng gawa-gawang kaso ang mga naglalantad ng korapsyon,” paliwanag ni Clarice Palce, pangkalahatang-kalihim ng Gabriela.
“Pagod na ang kababaihan sa Mindanao na pamalagian na lang binabaha hindi lang ng tubig kundi ng utang. Porma din ng karahasan laban sa kababaihan, laluna para sa mga maralita, ang maharap sa sunud-sunod na sakuna habang kumakaharap sa nagtataasang presyo ng pangunahing mga bilihin,” pahayag naman ni Rose Hayahay, pangkalahatang kalihim ng Gabriela-SMR.
Sa Southern Tagalog, biktima ng intimidasyon, panggigipit at iligal na pag-aresto ang mga lider kababaihan sa rehiyon. Sinampahan ng gawa-gawang kaso ng 2nd Civilian-Military Operation unit si Miriam Villanueva, ika-limang nominado ng Gabriela Women’s Party at dalawa nitong kasama sa organisasyon dahil sa kanilang paglaban sa militarisasyon. Inaresto at sinampahan din ng gawa-gawang kaso ng 59th IB si Pauline Joy Banjawan. Takot at pangamba naman ang nararanasan ng mga kababaihan at bata dulot ng aerial bombing at istraping ng AFP sa mga kabundukan ng Rizal, Quezon at Mindoro.
Pahayag ng grupo, tuluyang mawawakasan lamang ang karahasan laban sa kababaihan kung babaguhin ang buong sistema ng lipunan na nagpapahintulot sa korap at mga pasistang istrukstura, kabilang ang dominasyon ng imperyalismo, pyudal na pagsasamantal at burukrata kapitalismo na nagtatali sa mamamayan, laluna ang kababaihan, sa kahirapan.
“Hindi kami titigil hanggang hindi nawawakasan ang bulok na sistemang nagpapahirap at nang-aapi sa kababaihan! Nananawagan kami sa lahat ng kababaihan at mamamayan sa sumama sa lumalaking kilusan para sa tunay na pagbabago, para sa isang lipunang malaya mula sa pagsasamantala, pang-aapi, korapsyon at lahat ng porma ng karahasan laban sa kababaihan at bata,” pahayag ni Palce.